MAY SUROT NA MAY DAGA PA

DPA ni BERNARD TAGUINOD

NOONG panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino ay nauso ang laglag-bala scheme sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na ginamit ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang presidential bid.

Maanghang magsalita si Digong at gusto ‘yun ng mga tao kaya kinagat at ibinoto siya bilang pangulo ng bansa noong 2016 pero noong naluklok na siya ay hindi natigil ang kalokohan sa pambansang paliparan.

Nagkaroon ng Pastillas scam sa NAIA na kinasangkutan ng tiwaling Immigration officials na mas malaki kaysa laglag-bala noong panahon ni PNoy, dahil bilyones ang pinag-uusapang lagay ng Chinese nationals na pinapapasok sa bansa para magtrabaho sa mga POGOhan.

Naging international news ang mga isyung ito kaya nasira ang imahe ng pangunahing gateway ng Pilipinas sa international community, hanggang sa lumamig na lang ang isyung ito pero sigurado may napanagot at nahaharap sa mga kaso.

Ngayon ay muling bumandera ang Pilipinas sa mga international media outlet sa mundo dahil sa surot sa mga upuan sa international terminal pa man din, matapos lumabas ang mga larawan ng mga pasahero na pinutakte ng mga pesteng surot.

Hindi pa man lumalamig ang kaso ay nakunan naman ng video ang daga na malayang-malayang tumatakbo sa kisame ng pambansang paliparan kaya nataranta lalo ang pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA).

Tulad ng mga surot, naging laman din ng balita sa ibang bansa ang nai-video na daga na kasiraan sa imahe ng ating bansa dahil maaaring isipin ng ibang lahi na hindi malinis ang NAIA at kung hindi malinis ang paliparan, ano ang aasahan nila sa mga tourist spot sa ating bansa?

Malaking dagok ang isyung ito sa Department of Tourism (DOT) at turismo sa ating bansa dahil hindi pa nga tayo nakababangon sa taguri sa atin bilang “worst airport” ay dinagdagan pa nina Mang Daga at Aleng Surot ang problema.

Isa tayo sa mga bansa sa Southeast Asia na pinakakaunti ang mga dayuhang turista dahil noong 2023 umabot lamang sa 5.45 million international tourists ang bumisita at pumasyal sa ating bansa.

Kapag ipinagmamalaki ng DOT ang datos na ‘yan ay napapailing na lang ako dahil malayong-malayo ‘yan sa 12.6 million international tourists na pumunta sa Vietnam noong 2023; 13.6 million sa Malaysia, at 24.5 million sa Thailand.

Ang Singapore na mainit na bansa rin tulad ng Pilipinas pero hindi kasing dami ang kanilang tourist destinations kumpara sa atin, ay 19.1 million ang tourist arrival nila noong 2023, kaya may problema talaga tayo pagdating sa panghihikayat sa ibang lahi na pumasyal sa ating bansa.

Kahit isinapribado ang NAIA ay hindi madagdagan ang mga turista kung hindi magsisikap ang DOT at hindi tumutulong sa pagpapabango sa imahe ng bansa at hindi tumutulong para malinis at maging kaaya-aya ang mga paliparan sa ating bansa, hindi lang sa NAIA.

173

Related posts

Leave a Comment