KAHULI-HULIHANG nakapaglaro ang Pilipinas sa Olimpiyada 49 taon na ang nakalilipas noong 1972 sa Munich.
Ngayong ika-XXXII Games of the Olympiad sa Tokyo, muling tatangkain ng bansa na makapagpadala ng kinatawan sa larong pinaka-paborito pa naman ng mga Pilipino sa pag-asang buhayin ang mayamang tradisyon ng Philippine basketball sa tuwing ika-apat na taong palaro sa pagitan ng mga magagaling na 11,091 atleta mula sa 205 bansang miyembro ng International Olympic Committee.
Ang basketball ay isa lamang sa 339 events sa 33 kabuuang sports (50 disciplines) na paglalabanan mula Hulyo 23 hanggang Agosto 8.
Isang batambatang Gilas squad na binuo ng Samahang Basketbol ng Pilipinas ang ipinadala para sariwain ang mga maluluwalhating panahon ng sport na unang nilaro sa Olympics sa Berlin noong 1936, kung kailan ang Pilipinas ay tumapos na panlima sa kabila ng isang talo lamang ang kanilang nalasap sa kamay ng tinanghal na kampeong Estados Unidos.
Ilang beses binalasa ng kontrobersiyal na pambansang coach Tab Baldwin ang Team Pilipinas bago ito lumipad patungong Belgrade, Serbia noong nakaraang Huwebes kung saan ang Olympic Qualifier ay gaganapin simula sa Martes (Miyerkoles sa Maynila).
Ang mga collegiate standout na sina Isaac Go at tatlo pang PBA draftee na edad 24 o 25 ay naatasang humarap sa mga makakalabang mga beterano ng NBA at European circuit. Si Go at Jordean Heading ay kapwa 25 anyos, samantalang si Mike Nieto at William Navarro ay mas bata sa gulang na 24.
Sila ang lumalabas na pinaka-matanda sa lineup ni Baldwin na sasagupain ang host Serbia dalawang araw mula ngayon at Dominican Republic sa susunod na araw.
Ang ating koponan ay kailangang mapasama sa top 2 sa kanilang grupo para makapasok sa semifinal round at harapin ang alinman sa Italy, Puerto Rico at Senegal.
Sa kabuuang edad na 22, ang mga Pilipino ang pinaka-bata sa mga maglalaban-laban para sa nakatayang silya sa OQT. Ang Serbia at Dominican Republic ay kapwa may average na 28. Ang Puerto Rico ay mas bata sa 27, Italy 26 at Senegal 25.
Kung konsolasyon mang maituturing, ang host ay maglalarong wala si Nikola Jokic ng Denver Nuggets at Bogdan Bogdanovic ng Phoenix Suns. Sa kabila nito, paborito ng mga eksperto na manalo ang Serbia dahil kina Nemanja Bjelica ng Miami Heat at Boban Marjanovic ng Dallas Mavericks. Nakatakda ring maglaro sa koponan si dating LA Clippers Milos Teodosic.
Sina Nicolo Mannion ng Golden State Warriors at Nicolo Melli ng Dallas Mavericks ang magdadala naman sa bandila ng Italy.
Samantala, si coach Baldwin ay umaasa sa kanyang mga manlalarong galing sa NCAA at UAAP sa pag-asang maka-upset laban sa mga paborito at maka-gatecrash sa Olimpiyada.
Ang kabataang dala nina Kai Sotto, naturalisadong Pilipinong si Ange Kouame at Justin Baltazar, Shaun Chiu, Carl Tamayo at Go ay inaasahang makatutulong dala ng kanilang taas.
Sa average height na 6-foot-6, si Sotto at mga kasama ang maituturing na pinakamataas na pambansang koponang nabuo sa kasaysayan ng paglahok ng Pilipinas sa Olympics at iba pang international tournament.
Si coach Baldwin at kanyang 12-kataong koponan na lumipad sa Belgrade noong Biyernes ay nalampasan ang takot dulot ng aberya nang makansela ang connecting flight nila mula Istanbul dahil pa rin sa COVID-19 pandemic.
Bitbit ang karanasan sa FIBA Asia Cup qualifiers final window sa bubble sa Clark, Pampanga kung saan winalis nila ang 3-game laban sa Korea (2 beses) at Indonesia, habang tabla naman sila ng China sa kanilang tune-up match, kasalukuyang nasa quarantine hotel ngayon ang Gilas Pilipinas at naghihintay ng OQT opening ceremony sa Hulyo 1 (Hulyo 2 sa Maynila).
179
