ISANG incumbent mayor sa lalawigan ng Romblon ang dinakip ng mga pulis sa loob ng sabungan dahil sa paglabag sa health and safety protocols na ipinatutupad ng IATF o Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.
Kinilala ang arestado na si incumbent Mayor Jovencio Mayor Jr., ng Ferrol, Romblon.
Si Mayor ay inaresto kasama ng 200 iba pa nang salakayin ng pinagsanib na puwersa ng PNP-CIDG-Romblon, Ferrol Municipal Police Station at Romblon Police Provincial Mobile Force Company ang isang sabungan sa Barangay Tubigon.
Ang alkalde ay sinasabing natiyempuhan kasama ng 200 iba pa na inabutan sa Tubigon Square Garden kung saan matatagpuan ang sabungan.
Ayon kay Police Col. Raynaldo Rosero, Romblon police provincial director, magkakasabay na ni-raid ng CIDG-Romblon, Ferrol MPA at
Romblon PPMFC ang sabungan matapos na makatanggap ng report na patuloy ang operasyon gayong nasa Alert Level 3 pa rin ang Romblon.
Sinasabing ilang ulit na umanong nagbabala si Rosero sa hepe ng Ferrol Police, ngunit hindi umano nakikinig ang mayor.
Nahaharap ang mayor ng bayan ng Ferrol at ang iba pang mga naaresto sa kasong paglabag sa IATF Resolution 159-a Series of 2022 at Cockfighting Law.
Nakumpiska sa naarestong mga suspek ang hindi pa matukoy na halaga ng perang pantaya, gambling paraphernalia at mga patay at buhay na manok panabong. (JESSE KABEL)
212 