CLICKBAIT NI JO BARLIZO
PINAG-UUSAPAN sa social media partikular sa Facebook ang pagmumura at pagbabanta nitong si Marikina Mayor Marcy Teodoro sa mga doktor ng Marikina City Health Office.
Base sa isang audio recording, maririnig si Mayor Marcy na nagsasabing palagi raw walang supply ng libreng gamot sa mga City Health Center dahil inuuwi ito ng mga doktor para sa kanilang mga private clinic. Pagkatapos nito, minura niya ang mga doktor at tinawag silang “walang kwenta” at “nakakahiya.”
Base pa sa nasabing audio recording, papalitan daw ang kalahati sa mga doktor kapag nanalo ang kandidato nila para sa Mayor na si Cong. Maan Teodoro.
Si Cong. Maan ang asawa ni Mayor Marcy na tumatakbo para sa pagka-Mayor ng Marikina.
May isinasagawa palang medical caravan na programa ni Cong. Maan sa lungsod na nag-eempleyo ng ilang doktor mula sa City Health Office ng Marikina City.
Pinabulaanan ng mga doktor at medical health professionals ang mga pinagsasabi ni Mayor Marcy sa audio recording.
Ayon sa isang doktor ng City Health Office na humiling huwag siyang pangalanan, “Binawasan na nga ang pondo ng gamot para sa health centers from 80 Million to 5 Million Pesos, sana hindi niya sisihin ang mga doktor sa kakulangan ng gamot. 20 lang kami na doktor na nagseserbisyo sa buong Marikina with a population of 450,000”.
Dagdag ng ilang doktor mula sa Marikina, hindi talaga makatarungan ang ganitong pagtrato sa kanilang mga kapwa doktor: “Matapos po ang pagsasakripisyo para sa bayan noong pandemya, ganito na po ang pagtrato sa amin ni Mayor. Hindi naman tama iyon. We ask the Philippine Medical Association and our fellow doctors to hold Mayor Marcy accountable.”
Base sa mga komento ng mga netizen, marami ang kumokondena sa asal ng kanilang alkalde.
May isa pa ngang nagsabi na nagbubuwis ng buhay ang mga doktor tapos ay sasabihan lang ni Mayor Marcy na walang kwenta.
‘Yung isa naman, nanawagan na sa DOH na aksyunan ang ginawa ng alkalde. Kasi parang ginagawa na raw nitong pag-aari ang mga doktor sa City Health Centers.
Ayan, Mayor Marcy… magpaliwanag ka.
