MAYOR NA TURO NANG TURO, BAKA MANUNO

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

TABI, tabi naman po mayor, sa paulit-ulit n’yong panunuro baka ikaw po ay manuno.

Naalala ko ang laging pabaong tagubilin ng akong lola na kapag malapit sa ilog, gubat o sa ilang na lugar ay huwag akong turo nang turo, baka raw ako manuno.

Eh, ayokong dinadala ako ke Impong Kepweng kaya sinusunod ko si lola. Takot ako sa santigwar.

Eto ngayon, may mayor na baka raw manuno dahil sa madalas na pagtuturo. Naku, hirap na maghanap ngayon ng mangtatawas.

Tuwing nababasa ko kasi ang mga post sa Facebook ni Mayor Maila Ting-Que ng Tuguegarao, panay na lang pagtuturo at paninisi sa mga kritiko at kalaban sa pulitika ang kanyang ginagawa.

Naku, sa katuturo, malamang laging nanununo itong si mayora.

Napansin n’yo ba ang sunod-sunod niyang post na tinutuligsa ang sarili niyang mga barangay captain kaugnay ng problema sa basura ng siyudad.

Naman, naman. Imbes na maghatag ng solusyon, eh puro paninisi na lang ang alam gawin ni Mayora kapag may isyu o may krisis.

May linya siya na: Everyone has a responsibility. You need to be a productive member of the society by following the law.

Ibang klaseng bumatikos, gayung maraming kontrobersya at alegasyon ng paglabag daw sa batas ang kanyang mga kapamilya.

Noong 2012, ang kanyang ama na si Tuguegarao Mayor Delfin Ting ay pinadampot ng Sandiganbayan dahil sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Kaugnay ito ng kautusan niyang i-demolish ang City Public Market noong 2008 upang bigyang-daan ang pagtatayo ng Mall of the Valley, na sinasabing pagmamay-ari din ng pamilya Ting.

Napawalang-sala si Delfin Ting noong 2016, ngunit naghain ng mosyon ang Office of the Ombudsman noong 2017 upang ibalik ang graft charges dahil malakas ang ebidensiya laban sa kanya.

‘To pa ang karugtong. Noong 2020, inakusahan naman ng Sandiganbayan Third Division si Delfin Ting ng paglabag sa Section 3(e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019).

Dahil naman ito sa pagpapatayo ng isang maliit na water impounding dam sa pribadong lupa nang walang pahintulot mula sa mga may-ari o karampatang kabayaran.

Sa desisyon ng korte, napatunayan ng prosekusyon ang mga elemento ng graft laban kay Delfin Ting. Hindi rin umubra ang palusot ni Ting na verbal agreement.

Ito naman si Randolph Ting na dating mayor ng Tuguegarao, at kapatid ni mayora Maila, ay kinasuhan noong 2008 ng Ombudsman ng katiwalian kaugnay ng ilegal na pagbili ng tatlong lote noong 2004. Nadismis ang kasong ito, hindi sa merito, kundi sa teknikalidad.

Balik tayo sa turo nang turo.

Hindi po magaling ang lider kung mahusay lang itong manisi at puro panunuro. Hinahanap dapat ang solusyon sa mga problema ng kanyang mga nasasakupan. Ekis dapat ang sisihan nang may maganda at malinaw na patutunguhan ang bayan.

Saan ang direksyon ng Tuguegarao kung ang lider ay puro pagtuturo ang gagawin imbes na solusyon ang hagilapin?

Baka sa kangkungan. Aba, sa kangkungan madalas manuno ang mga kalaro ko noong aming kamusmusan.

51

Related posts

Leave a Comment