UNAHIN ANG MGA WALANG TRABAHO SA PINAS

DPA ni BERNARD TAGUINOD

MAY ilang politiko ang sumasakay sa isyu ng mga Pinoy na ilegal na naninirahan sa Amerika na nakatakdang pauwiin o i-deport dahil seryoso si United States (US) President Donald J. Trump na linisin ang kanilang bansa sa illegal migrants.

Mahigit 370,000 ang bilang ng mga ito at nangangamba ang ilang politiko sa kanilang magiging kalagayan pagdating nila sa Pilipinas na kesyo baka raw wala silang hanapbuhay kaya pinaghahanda ng mga politikong ito ang mga ahensya para sila bigyan ng trabaho.

Mapaiiling ka na lang dahil mas iniisip ng mga politikong ito ang kalagayan ng mga Pinoy TNT sa Amerika pero ang mga nasa bansa na matagal nang walang trabaho ay hindi binibigyan ng pansin!

Nakikita ng mga mokong na ito ang mga Pinoy na wala sa Pilipinas pero ang mga nandito na matagal nang naghahanap ng trabaho ay hindi inuunang bigyan o hanapan ng trabaho kaya alam mong pang-PR as in press release lang ang kanilang pagsakay sa problema ng ating mga kababayan sa Amerika. Magpakatotoo nga kayo!

Malamang sa malamang, maraming pera ang mga pinahahanapan ng trabaho ng mga politikong ito lalo na ‘yung congressmen/women na sinasabing kinatawan daw sila ng Pinoy overseas.

Hindi naman makararating ang mga ‘yan sa Amerika kung wala silang pera dahil pamasahe pa lamang ay napakalaki na ang kanilang ginagastos at siguradong nagkaroon na ang mga ‘yan ng trabaho sa Amerika at nakapag-ipon na habang tago nang tago.

Baka marami na sa mga ‘yan ay may malalaking bahay na sa Pilipinas dahil sa mga probinsya, ‘pag may nakita kang malaki at marangyang bahay at tinanong mo kung sino ang may-ari ay sasabihin sa ‘yo na nagtatrabaho ang may-ari n’yan sa Amerika.

Hindi ko sinasabi na dapat silang pabayaan sa kanilang problema pero ang akin lang, kung merong dapat unahin na bigyan ng trabaho ay ‘yung mga nandito na sa Pilipinas na gustong magtrabaho pero walang mapasukan.

Tingnan n’yo ha, 1.89 million ang walang trabaho sa Pilipinas noong September 2024 samantalang ang pinaghahandaan ng gobyerno na ide-deport ng Amerika ay 370,000 plus lamang.

Hindi pa kasama d’yan ang senior citizens dahil dito sa ating bansa, kapag 60-anyos na ang isang tao, itinuturing na nilang retired kaya hindi na sila ibinibilang sa unemployed gayung marami sa kanila ang napilitang mag-retire lang dahil ‘yun ang batas.

Saka palagay n’yo ba tatanggapin ng mga iyan na isailalim sa TESDA training at tatanggap ng ordinaryong trabaho na barya ang sahod kumpara sa kanilang sinasahod habang sila ay TNT sa Amerika?

Kung mayroong dapat gawin sa mga iyan ay turuan silang magnegosyo dahil sabi ko nga, sigurado may atik na ang mga ‘yan pero ‘yung mungkahi na hanapan sila ng trabaho dito, hindi nila tatanggapin ‘yan. Kaya nga sila umalis at nakipagsapalaran sa Amerika eh, sa totoo lang.

34

Related posts

Leave a Comment