MAGUINDANAO – Maswerteng nakaligtas ang alkalde habang isa ang patay at apat ang sugatan sa pananambang sa Sitio Sucob, Barangay Pandan, sa bayan ng South Upi sa lalawigang ito, noong Linggo ng hapon.
Kinilala ang napatay na si Thelmo Sase, 22-anyos. habang sugatan sina John Andrew Tumbaga, 30; Ernesto Bebang, 50; Christian King Sase, 22, at Leonard Betita, 23-anyos.
Nakaligtas naman sa pananambang si Mayor Reynalbert Insular ng South Upi, Maguindanao.
Nauna rito, pinamunuan ni Mayor Insular ang relief operations para sa mga biktima ng harassment sa Barangay Itaw, South Upi at pauwi na sila nang nang mangyari ang ambush sa Barangay Pandan.
Nangyari ang insidente sa convoy ni Mayor Insular pasado alas-2:00 ng hapon. Gumanti ang police escorts na kasapi ng South Upi town police at Army 57th IB kaya’t napilitan ang mga suspek na tumakas.
Pinaniniwalaang ang mga suspek sa ambush ay mga suspek din sa harassment sa Barangay Itaw noong Enero 1.
Agad nagresponde ang mga tauhan ng 57th Infantry Battalion at hinabol ang mga suspek na tumakas sakay ng kabayo at ilang motorsiklo patungong bulubunduking bahagi ng Talayan at Datu Saudi Ampatuan sa Maguindanao.
Ang problema sa Barangay Itaw ay nag-ugat sa usapin ng agawan sa lupa.
Sinabi ni 6th Infantry Division spokesperson, Lt. Colonel Dingdong Atilano, ang suspek sa harassment at ambush ay mga kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF. (BONG PAULO)
