LAWA NAPUNO NG PATAY NA ISDA

LAGUNA – Tone-toneladang patay na isda ang lumutang sa Sampaloc Lake sa San Pablo City dahil sa nangyaring fish kill noong weekend.

Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), ang pagkamatay ng inaalagaang mga isda sa fish cages sa mga lawa na nangyayari sa ganitong panahon ng taglamig, ay dahil sa natural phenomenon na tinatawag na “duong” o “pagbaliktad” ng tubig.

Ayon sa BFAR, sa duong ay nagpapalit ang nasa ibabaw na tubig ng lawa at ang nasa ilalim, na nagiging dahilan ng pagkonti ng dissolved oxygen na kinakailangan ng mga isda para mabuhay.

Batay sa report ng BFAR, nasa dalawang tonelada ng mga isda ang biglang nagsipaglutangan sa fish cages sa Sampaloc Lake na tila kinakapos sa hangin.

Ang iba namang mga isda, katulad ng wild ayungin at ilang klase ng carpa, ang nagsilanguyan patungo sa pampang.

Ayon sa mga may-ari ng fish cages, may mga nahuling buhay pa na mga isda ang mga residente at naibenta pa na hindi naman anila makasasama sa kalusugan.

Pinayuhan naman ng BFAR ang mga residente na huwag nang ibebenta ang mga patay ng isda bago nahuli. (NILOU DEL CARMEN)

307

Related posts

Leave a Comment