TARGET ni KA REX CAYANONG
SA isang lungsod na patuloy na lumalaki, mahalagang may sapat at maaasahang suplay ng malinis na tubig para sa bawat pamilya.
Kaya kapansin-pansin ang mga hakbang ng pamahalaang lungsod ng San Jose del Monte sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Florida “Ate Rida” Robes.
Hindi maikakaila na naging hamon ang problema sa tubig, ngunit sa halip na manatili sa reklamo, mas pinili ng lungsod na kumilos at humanap ng konkretong solusyon.
Sa isinagawang Water Forum, naipakita ang mga hakbang upang mapataas ang water production, mapaayos ang mga tagas at mapabilis ang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga residente.
Sa 890 nakumpirmang leaks, 572 na ang naayos o katumbas ng 64 porsyento.
Malaking bagay rin ang pagtaas ng water production capacity mula 42.76 MLD tungo sa 59.73 MLD matapos linisin ang Raw Water Tank.
Sa panahon ng mataas na demand, hanggang 22 water tankers ang nai-deploy upang matiyak na makarating ang tubig sa mga lugar na nangangailangan.
May karagdagang 16 water trucks din ang pamahalaang lungsod bilang suporta sa paghahatid ng tubig sa mga komunidad.
Isa pang magandang senyales ang malaking pagbaba ng mga reklamong natatanggap ng water operator, indikasyon na unti-unti nang nararamdaman ng mga residente ang epekto ng mga intervention.
Gayunman, hindi dapat dito nagtatapos ang pagsisikap. Tama lamang ang paninindigan ng administrasyong Robes na marami pang kailangang ayusin.
Mahalaga rin ang mga isinasagawang pipeline projects, kabilang ang proyekto mula sa Tanawin Water Reservoirs hanggang Igay Road na inaasahang makikinabang ang humigit-kumulang 15,000 kabahayan.
Inihahanda rin ang pipeline project sa Minuyan Proper na makatutulong sa pagpapabuti ng suplay sa Sapang Palay at United Minuyan.
Ipinakikita ng mga hakbang na ito na ang problema sa tubig ay hindi lamang tinutugunan sa pamamagitan ng pansamantalang solusyon, kundi sa pamamagitan ng pangmatagalang rehabilitasyon ng water system.
Aba’y sa pamumuno ni Mayor Ate Rida Robes, malinaw ang direksyon: mas maraming malinis na tubig, mas mabilis na serbisyo at mas maaasahang sistema para sa bawat San Joseño.
Sabi nga, ang mahalaga, tuloy-tuloy ang pagkilos hanggang tuluyang maramdaman ng bawat pamilya ang ginhawa ng maayos na serbisyo.
78 