NASAWING AETA SA PAGLUBOG NG BANGKA SA MAPANUEPE LAKE, 9 NA

UMAKYAT na sa siyam ang bilang ng mga katutubong Aeta na nasawi sa paglubog ng isang bangka sa Mapanuepe Lake sa San Marcelino, Zambales matapos ma-recover kahapon ng umaga ang bangkay ng isang buntis na Aeta, apat na araw matapos ang insidente.

Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na na-recover nila bandang alas-11:20 ng umaga ang bangkay ng 26-anyos na katutubong si Arryn Paanan Liwanag, dahilan upang umakyat sa siyam ang bilang ng mga nasawi sa insidente.

Si Liwanag ang pinakahuli sa tatlong pasaherong unang iniulat na nawawala. Nauna nang natagpuan ang mga bangkay ng isang dalagitang babae at isang binatilyong katutubo.

Kabilang ang siyam na biktima sa 13 sakay ng bangkang nagtungo sa Sunken Church sa Barangay Buhawen noong Huwebes, Agosto 27.

Kinilala ang ilan sa mga nasawi na sina Elvis Tiglao Pabalan, 33; Joanavie Mae Tiglao Pabalan; Sally Serrano Dela Cruz, 29; Prince Lenard Serrano Dela Cruz, 1; Evelyn Yurik Lagman, 45; at Cedric Serrano Liwanag, 2.

Apat naman sa kanilang mga kasamahan ang nakaligtas matapos makatawid sa kabilang bahagi ng lawa. Nagtungo ang grupo sa Barangay Buhawen kaugnay ng vaccination campaign ng lokal na pamahalaan at isang 4Ps meeting.

Ang 13 Aeta ay mula sa isang komunidad sa Sitio Lumibao, na nasa kabilang bahagi ng Mapanuepe Lake mula sa Barangay Buhawen.

Kinakailangan ng mga residente na gumamit ng bangka upang matawid ang lawa at makarating sa kabayanan.

Ayon sa ulat, pabalik na sana ang grupo sa Sitio Lumibao nang makasagupa nila ang malakas na hangin at malalaking alon na naging sanhi ng paglubog ng bangka.

(JESSE RUIZ)

81

Related posts

Leave a Comment