MAGIGING kombinyente ang pagbibigay ng medical assistance sa bawat Filipino na may karamdaman at kailangan magpa-ospital.
Ito ang pahayag ni Sen. Christopher Bong Go sa pagbubukas ng ika-137 Malasakit Center sa Western Leyte, Provincial Hospital sa Baybay City, Leyte noong Biyernes.
Tiniyak ng senador na ang Duterte administration ay nananatiling committed sa pagbibigay ng makabuluhang serbisyo publiko, episyente, responsable at kombinyente.
“Tulad ng sabi ni Pangulong Duterte, sa Malasakit Center, hindi na po kailangan pumila at umikot sa iba’t ibang opisina para lang humingi ng tulong pampagamot. Ang gobyerno na ang lumalapit sa tao,” sabi ng Sen. Go.
Nabatid na ikalimang Malasakit Center na ang itinayo sa Western Leyte Provincial Hospital sa nasabing probinsiya matapos sa Eastern Visayas Regional Medical Center sa Tacloban City; Ormoc District Hospital sa Ormoc City; Leyte Provincial Hospital, at Schistosomiasis Control and Research Hospital sa Palo Leyte.
Ang Malasakit Center Act 2019 ay isinulat at isinulong ni Sen. Bong Go at naging ganap na batas makaraang pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang RA No.11463.
Anang senador, hindi dapat mahirapan ang kapwa Filipino sa pagpapagamot. “Pera n’yo po iyan… Dapat po ibalik sa inyo sa pamamagitan ng mabilis, maayos at may malasakit na serbisyo,” sabi pa ng mambabatas. (ESTONG REYES)
165 