NILINAW ng Malacañang na hindi na kailangan pang maglabas ng medical bulletin si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para patunayang wala itong seryosong karamdaman.
Binigyang-diin ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang diverticulitis ng Pangulo ay hindi “life-threatening,” kaya walang basehan ang panawagan para sa medical bulletin.
“Sa ating pagkakaalam po, kapag naglalabas ng medical bulletin, dapat serious illness. Kung sinabi ng Pangulo na hindi ito life-threatening, bakit kakailanganin ang medical bulletin?” ani Castro sa press briefing sa Malacañang.
Hinimok ni Castro ang publiko na huwag maniwala sa mga “made-up stories” na kumakalat sa social media ukol sa kalusugan ng Pangulo at iginiit na patuloy itong gumaganap ng opisyal na tungkulin.
Nauna nang kumalat ang isang mensahe mula sa umano’y “unknown number at source” na nagsasabing lumala raw ang kondisyon ni Pangulong Marcos, may cyst at may “clear sign of perforation” na maaaring mauwi sa life-threatening na sitwasyon.
Kaugnay ng hindi pagdalo ng Pangulo sa event na Pagpupugay 2025, ipinaliwanag ni Castro na maayos ang lagay ni PBBM, patunay ang pagdalo nito sa oath-taking ni PNP Chief Police General Melencio Nartatez Jr. nitong Miyerkules, Enero 28.
Muling tiniyak ng Malacañang ang maayos na kondisyon ng Pangulo kahit kinatawan lamang siya ni Executive Secretary Ralph Recto sa nasabing event.
Matatandaang isinailalim sa medical observation si Pangulong Marcos kamakailan dahil sa diverticulitis.
(CHRISTIAN DALE)
10
