‘MENTAL HEALTH OFFICER ACT’ ISINULONG SA SENADO

ISANG Mental Health Officer (MHO) sa bawat lungsod at munisipalidad.

Ito ang laman ng Senate Bill No. 1760 o “Mental Health Officer Act” na inihain ni millennial senator at pinakabatang miyembro ng 20th Congress na si Camille Villar.

“Hindi na natin maaaring balewalain ang tahimik na pagdurusa ng milyun-milyong Pilipino. Ang mental health ay isang pangunahing karapatan,” pahayag ni Villar.

Ayon sa senador, hindi sapat ang awareness campaign. Kailangan aniya ng konkretong aksyon na nakatuon mismo sa komunidad.

Sa ilalim ng panukala, oobligahin ang lahat ng local government units (LGUs) na kumuha at magtalaga ng isang Mental Health Officer na mangunguna sa pagtugon sa mga suliraning pangkaisipan sa kanilang nasasakupan.

Makikipag-ugnayan ang mga LGU sa Department of Health para sa recruitment, selection at pagsasanay ng mga itatalagang MHO. Ang DOH ang magtatakda ng kwalipikasyon at training modules.

Kabilang sa tungkulin ng MHO ang pagsusumite ng taunang ulat ukol sa estado ng mental health sa kanilang lugar, kasama ang mga rekomendasyon upang mapalakas ang mga programa at interbensyon.

Batay sa datos na binanggit sa panukala, mula 7 milyong kaso ng mental disorders noong 1990 ay umabot ito sa 12.5 milyon noong 2019, na may tinatayang 2% pagtaas bawat taon. Kabilang sa pinakakaraniwang kondisyon ang anxiety at depresyon, lalo na sa mga kabataan.

Giit ni Villar, ang paglalagay ng mental health professionals sa mismong komunidad ay magbibigay-daan sa mas maagang interbensyon, pagbawas ng stigma at mas madaling access sa serbisyo — pati na sa paglikha ng maaasahang lokal na datos para sa pangmatagalang polisiya.

“Kapag pinatatag natin ang mental resilience ng ating mamamayan, pinatatag din natin ang pundasyon ng ating bansa,” diin ng senador.

Bahagi aniya ito ng mas malawak niyang legislative agenda para gawing prayoridad ang mental health, kabilang ang mga panukalang tutugon sa bullying at toxic work environments na may direktang epekto sa psychological well-being ng mga manggagawa.

(Danny Bacolod)

4

Related posts

Leave a Comment