Nagsagawa ang Manila Electric Company (Meralco) ng isang buwang wire-clearing operations sa kahabaan ng Andrews Avenue sa Pasay City upang masiguro na ligtas at maayos ang daraanan ng mga motoristang papunta at galing sa the Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
“Mahalaga ang wire-clearing operations dito sa paligid ng NAIA para maalis ang mga nakalaylay na kable sa aming mga pasilidad, lalo na’t inaasahan natin ang pagdagsa ng mga biyahero dahil sa paparating na Semana Santa,” ani Meralco Vice President at Head of Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga.
Patuloy na nakikipagtulungan ang Meralco sa mga lokal na pamahalaan sa pagsasagawa ng Anti-Urban Blight operations na naglalayong isulong ang pampublikong kaligtasan at masiguro ang paghahatid ng ligtas at maasahang serbisyo ng kuryente sa walong milyong customer nito.
