METRO MAYORS PINABORAN SA SENADO

PINABORAN ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go ang posisyon ng Metro Manila mayors na humihiling sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na irekonsidera at pag-aralan pa nang husto ang planong pagbubukas ng tradisyunal na sinehan sa gitna ng banta ng COVID-19.

Sa pahayag, sinabi ni Go na sang-ayon siya sa posisyon ng mga alkalde sa Kamaynilaan na pag-aralan muna ang pagbubukas ng sinehan sa malls dahil delikado pa.

Naunang sinabi ni Trade and Industry Secretary Ramon M. Lopez na kapag binuksan ang sinehan, makababangon ang entertainment industry at maibabalik ang trabaho ng mahigit 300,000 Pilipino. Nalugmok ang industriya sa halagang P1.3 bilyon dulot ng mga pinairal na lockdown noong isang taon.

Pero, tinutulan ng Metro Manila Council ang panukala.

Sinabi ni Paranaque City Mayor Edwin Olivarez na bantulot ang Metro Manila mayors sa rekomendasyon na buksan muli ang tradisyunal na sinehan.

Ayon kay Lopez, pinag-aralan ng mga eksperto sa technical working group ng IATF-EID ang naturang desisyon saka nagdagdag ng protocol tulad ng ventilation. Papayagan ang sinehan sa lugar na nakasailalim sa general community quarantine na makapag-operasyon ng 50% kapasidad lamang.

Nakatakdang konsultahin ng pamahalaan ang local chief executives sa nakatakdang pagbubukas ng sinehan sa Marso 1, 2021. Nakatakdang magpalabas din ng patakaran na bubuuin ng kinauukulang ahensiya at LGUs hinggil sa planong pagbubukas.

Sa pamamagitan ng Malacañang, nirerespeto ng IATF ang posisyon ng LGUs at nagbigay ng katiyakan na kokonsultahin sila sa planong pagbubukas.

“Nirerespeto po ng IATF ang posisyon ng ating mga alkalde, lalong-lalo na dito sa Metro Manila. Kaya nga po sa resolution, nakasaad po ‘yun, ito po ay magiging epektibo matapos po ang mga guidelines na iiisyu ng mga lokal na pamahalaan, lalo na pagdating sa seating capacity ng mga sinehan,” ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, Jr.

“Ngayon po ang status nito, ang pagpapatupad po ng pagbubukas ng sinehan kung matutuloy po ay Marso a-uno,” giit ni Roque. (ESTONG REYES)

127

Related posts

Leave a Comment