(NI KEVIN COLLANTES)
NAGKASANG muli ng 1-week power interruptions ang Manila Electric Company (Meralco) sa ilang lugar sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan, na dulot pa rin ng nagpapatuloy nilang maintenance works.
Batay sa maintenance schedule na inilabas ng Meralco, nabatid na ang maintenance works ay isasagawa nila simula sa Lunes, Hunyo 24 hanggang sa Linggo, Hunyo 30, na inaasahang magdudulot ng pansamantalang pagkawala ng kuryente sa mga apektadong lugar.
Inaasahang maapektuhan naman ng mga naturang power interruptions ang Barangay San Lorenzo sa Makati City; Sampaloc sa Maynila; at mga Barangay ng Sto. Domingo, Barangay Sta. Teresita Lourdes, Tatalon, Damayang Lagi, Old Balara, at San Antonio, sa Quezon City, gayundin ang Barangay North Bay Boulevard, Navotas City; at Barangay Kapasigan sa Pasig City.
May maintenance works din sa Sto. Tomas, Batangas; Calamba City, Los Baños, Liliw, Nagcarlan, Pila, Sta. Cruz, Biñan sa Laguna; at Morong, Rizal.
Kabilang naman umano sa mga isasagawa ng Meralco ay pagpapalit ng mga sira at lumang poste, line reconstruction at reconductoring works, instalasyon ng mga karagdagang lightning protection device at maintenance works sa loob ng kanilang substation.
Noong nakaraang linggo, walong araw na nagpatupad ng power interruptions ang Meralco sa ilang lugar sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan dahil rin sa kanilang maintenance works.
Nilinaw naman ng Meralco na ang kanilang ginagawang mga pagkukumpuni ay para rin sa pagpapabuti ng kanilang serbisyong ipinagkakaloob sa mga mamamayan.
166