(NI DAHLIA S. ANIN)
AABOT umano sa 50,000 ang driver’s license na nakumpiska ng awtoridad, dahil sa traffic violations, ang hindi na kinuha at nakatengga pa rin sa isang tanggapan sa Maynila simula pa noong 2014.
Hindi umano konektado sa electronic system ng Land Transportation Office (LTO) ang rekord ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na siyang dahilan kaya nakakukuha pa rin ng lisensya ang ibang driver na nagsasabing nawawala ang kanilang lisensya imbes na magbayad ng multa at tubusin ang kanilang lisensya, ayon kay MTPB Director Dennis Viaje.
Nitong Huwebes lang ay pumirma ng kasunduan si Manila Mayor Isko Moreno sa LTO na i-upload ang rekord mula sa MTPB, na makukumpleto na umano sa susunod na taon.
Sa ngayon, nagpapatupad ng amnestiya ang ahensya kung saan, maaring matubos ng mga driver ang kanilang lisensya nang walang karagdagang multa.
“Mas makabubuti po sa mga gumawa ng affidavit of loss noon, e kuhain na po nila ito. Mahihirapan po silang mag-renew ng lisensya nila pag, naipasok na po namin ito sa LTO,” ayon kay Viaje.
273