(NI KEVIN COLLANTES)
INIHAYAG ni Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade na hindi na nila ipipilit pa sa Kongreso na maaprubahan ang panukalang mabigyan ng emergency powers si Pangulong Rodrigo Duterte upang maresolba ang lumalalang problema sa daloy ng trapiko sa metropolis.
Ipinaliwanag ni Tugade na paikli na nang paikli ang panahon kaya’t kung ayaw na ibigay ng Kongreso ang kanilang kahilingan ay hindi na nila ito igigiit.
“Kung ayaw nila ibigay, huwag na, kasi paiksi nang paiksi ang oras,” ayon kay Tugade, sa panayam sa telebisyon.
Sinabi ng kalihim na noong unang taon pa lamang ng pangulo sa puwesto ay humihingi na sila ng emergency powers at ngayon ay nasa mahigit kalahatian na ng kanyang termino ang Pangulo.
“Noon pa namin hinihingi yan, sa umpisa ng termino ng ating Pangulo. Ngayon, 1,021 days na lang ang termino ng ating Pangulo. Kung ayaw nilang ibigay, sa kanila na yan,” aniya pa.
Matatandaang tinutulan ni Senator Grace Poe, na siyang chair ng Senate Committee on Public Service, ang emergency powers na hinihingi ng Pangulo para resolbahin ang problema sa trapiko dahil sa pagkabigo aniya ng Department of Transportation (DOTr) na makapagprisinta ng masterplan kung paano ito isasagawa.
Sa panig naman ni Tugade, sinabi nito na hindi naman sila nabigyan ng pagkakataon na maiprisinta ang plano sa mga nakalipas na Senate hearing.
Inakusahan pa ni Tugade ang senadora na ginagamit ang isyu ng emergency powers para sa pamumulitika, dahil posible aniyang may plano na naman itong tumakbo muli sa pagka-pangulo sa taong 2022.
Sinabi naman ni Poe na dapat nang bumaba sa pwesto si Tugade dahil sa kabiguan nitong maresolba ang problema sa trapiko.
149