AFRICAN SHABU COURIER, TIMBOG SA NAIA

NA-INTERCEPT ng mga tauhan ng Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA) sa tulong ng Bureau of Customs (BOC) Anti-Illegal Drugs Task Group (AIDG), sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang may-ari ng 21,215 gramo ng methamphetamine hydrochloride o shabu, na tinatayang umabot sa P144.3 milyon ang halaga.

Ayon sa report, kinilala ang suspek na si Mark Wienand, 60-anyos, isang African national, dumating noong Biyernes ng gabi sa NAIA Terminal 3, via Doha, Qatar galing sa South Africa.

Batay sa impormasyon, itinago ang shabu sa kanyang dalawang luggage na may marking “Power Up”, at idineklara bilang assorted clothes at sapatos.

Nadiskobre ang mga ito sa pamamagitan ng 100 percent physical examination na isinagawa ng mga taga Customs sa harap ng mga kinatawan ng PDEA.

Nakuha sa luggage ni Mark ang 21,215 gramo ng shabu na nakabalot sa walong improvised duct tape, isang unit ng Samsung android phone, isang wallet, ID, Passport, baggage declaration, vaccination card at dalawang boarding pass.

Si Mark ay isinailalim sa custodial investigation kasunod ang inquest proceedings, dahil sa kasong paglabag ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act, at RA 10863 o Customs Modernization and Tariff Act. (FROILAN MORALLOS)

163

Related posts

Leave a Comment