(NI KEVIN COLLANTES)
SIMULA sa susunod na buwan ay inaasahang maide-deliber na sa bansa ang mga bagong riles na gagamitin para sa rehabilitasyon ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), nakatakdang dumating sa bansa ang 50% ng mga bagong riles simula ngayong Hulyo hanggang Agosto, o mas maaga ng ilang buwan sa nakatakda sanang delivery sa mga ito.
Sinabi ng DOTr na nitong Huwebes ay nagtungo na sa tanggapan ng Nippon Steel sa Fukuoka, Japan ang mga miyembro ng DOTr-MRT3 Factory Acceptance Test (FAT) Team, sa pangunguna ni MRT-3 Director for Operations Michael Capati, at ininspeksiyon ang mga naturang bagong riles, na bahagi ng kumprehensibong rehabilitasyon ng MRT-3 na isinasagawa ngayon ng Sumitomo-MHI-TESP.
“MALAPIT NAAAAA!!!! Darating na sa Pilipinas ngayong Hulyo hanggang Agosto ang mahigit 50% ng mga bagong riles para sa @dotrmrt3. Ilang buwang mas maaga ‘yan kaysa sa scheduled delivery!” anunsyo ng DOTr.
“Ang mga ide-deliver na riles ay ininspeksyon kahapon, Hunyo 20, sa Nippon Steel sa Fukuoka, Japan ng DOTr-MRT 3 Factory Acceptance Test (FAT) Team for rails, sa pangunguna ni MRT-3 Director for Operations Michael Capati,” anito pa. “Bahagi ito ng komprehensibong rehabilitasyon ng MRT-3 na isinasagawa ng Sumitomo-MHI-TESP.”
Anang DOTr, sa sandaling matapos ang rehabilitasyon ng MRT-3 at pagpapalit ng mga riles, ay inaasahan nilang aakyat sa 20 ang kanilang operating trains tuwing peak hours.
Dodoble rin umano ang bilis ng tren sa 60kph at mangangalahati ang waiting time sa pagitan ng mga tren ng mula pito hanggang 10-minuto ay magiging 3.5 minuto na lamang.
Maging ang kapasidad ng MRT-3 ay dodoble rin sa 650,000 pasahero kada araw.
Kaugnay nito, humingi rin ang MRT-3 sa kanilang mga suking pasahero ng kaunti pang pasensya at pang-unawa at tiniyak na kumikilos sila upang ganap nang maisaayos ang kanilang train system para sa ikagiginhawa.
“Sa mga suking pasahero ng MRT-3, humihingi kami ng kaunti pang pasensya at pang-unawa. Hindi po ura-urada ang rehabilitasyon dahil saklaw nito ang napakaraming components ng sistema,” anito pa. “Pero kumikilos po ang DOTr-MRT 3 upang ganap nang maisaayos ang ating train system para sa inyong ikagiginhawa. KAPIT LANG, MGA BESHIE!”
Sa ilalim ng MRT-3 Rehabilitation Project, bukod sa pagpapalit ng mga bagong riles, ay io-overhaul din ng Sumitomo-MHI-TESP lahat ng 72 Light Rail Vehicles (LRVs) ng MRT-3, ire-rehabilitate ang power at overhead catenary systems nito at ia-upgrade ang signalling system, communications at CCTV systems, at kukumpunihin ang lahat ng mga escalators at elevators nito.
Ang proyekto ay inaasahang magtatagal ng may 43 buwan, kung saan ang rehabilitation works ay inaasahang makukumpleto sa loob ng 26 na buwan.
Ang MRT-3 ay bumibiyahe sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA), mula North Avenue, Quezon City hanggang sa Taft Avenue, Pasay City.
194