(NI BERNARD TAGUINOD)
WALANG nakikitang senyales ang mga militanteng mambabatas na kayang resolbahin ng isang dating heneral ang malaking problema sa Philhealth lalo na ang katiwalian o ang pagnanakaw sa pondo ng mga miyembro ng nasabing state insurance funds.
Ito ang reaksyon ni Bayan Muna party-list Rep-elect Ferdinand Gaite matapos italaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si retired General Ricardo Morales bilang hepe ng Philhealth matapos mabunyag ang panibagong anomalya dito.
“Gen. Morales in Philhealth will not make it better and may make it worse. Hindi totoong mas epektibo at episyente kapag galing sa AFP/PNP,” paniniwala ni Gaite lalo na’t hindi naging maganda ang performance ni Morales sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).
Tinanggal si Morales sa MWSS matapos magkaroon ng water crisis sa mga customers ng Manila Water noong Marso na hanggang ngayon ay nagpapatuloy ang problema, ayon sa Bayan Muna.
“Halimbawa na mismo ang dating MWSS Board member na si Gen. Ricardo Morales na ang iniwang problema ng kakulangan ng tubig bunga ng kapabayaan o incompetence ng MWSS,” ani Gaite.
Sinabi ng grupo na kung mayroong dapat italaga sa Philhealth ay hindi isang retiradong heneral kundi isang sibilyan at may alam sa pamamahala sa pondo at kayang parusahan ang mga kawatan sa nasabing ahensya.
166