INATASAN ng chairman ng House committee on dangerous drugs ang Bureau of Immigration (BI) at National Bureau of Investigation (NBI) na suyurin ang buong bansa sa pekeng birth certificate na inisyu ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa mga Chinese national.
Ginawa ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang kautusan matapos matuklasan ng NBI na hindi lamang 200 kundi 1,200 ang pekeng birth certificate na ibinigay sa mga Chinese national mula 2016 sa Sta. Cruz, Davao del Sur.
“Kelangan umaksyon ang ating BI at NBI. Tingnan ang lahat ng mga local civil registrar sa buong bansa kung may inaprubahan silang late registration of birth certificates sa mga Chinese nationals,” ani Barbers.
Naniniwala ang mambabatas na hindi lamang sa Davao del Sur nag-apply ng birth certificate ang mga Chinese kundi sa iba’t ibang lugar sa bansa na ginamit ng mga ito para magkaroon ng Philippine Passport.
Unang lumabas sa pagdinig ng komite ni Barbers na ang may-ari ng Empire 999 na si Willie Ong at iba pang kasamahan nito ay may Philippine passport matapos makakuha ng birth certificate.
Ang Empire 999 ang may-ari ng bodega sa Mexico, Pampanga na sinalakay ng NBI at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kung saan nakumpiska ang 560 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6.6 billion noong September 2023.
Ikinabahala rin ni Barbers ang report ng NBI na marami sa mga nabigyan ng pekeng birth certificate sa Davao del Sur ay may mga criminal record kaya kailangan aniyang makipag-ugnayan ang BI sa mga otoridad sa labas ng bansa.
“Hanapin ‘yang mga ‘yan (Chinese criminals) at makipag-coordinate sa interpol at embassy para ma-validate kung ilan ang may mga criminal record sa mga ‘yan,” mungkahi pa ng mambabatas.
Senado Nababahala
Aminado naman ang ilang senador na nakababahala na ang impormasyon na patuloy na nakakakuha ng birth certificates ang mga dayuhan sa bansa.
Kaugnay nito, sinabi ni Senate President Francis Chiz Escudero na posibleng paunang impormasyon pa lamang ang natuklasan ng NBI na 1,200 dayuhan na pinaniniwalaang mga Chinese ang nakakuha ng pekeng birth certificate sa Davao del Sur.
Sinabi ni Escudero na dapat lamang na masusing imbestigahan ng NBI ang nakalap na impormasyon para matukoy ang tunay at iba pang salarin o may kinalaman sa pag-iisyu ng pekeng birth certificate sa mga dayuhan.
Naniniwala rin si Escudero na hindi si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ang una at huli na nakakuha ng fake birth certificate dito sa ating bansa sa pamamagitan ng late birth registration.
Iginiit naman ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na nakaaalarma ang naturang report at dapat magkaroon ng komprehensibong imbestigasyon para malaman paano nakakuha ng pekeng birth certificate ang mga dayuhan sa Davao del Sur.
Naniniwala naman si Pimentel na tutulong ang alkalde ng Davao Del Sur sa imbestigasyon. (BERNARD TAGUINOD/DANG SAMSON-GARCIA)
103