(NI ROSE PULGAR)
IPINASUSPINDE ng Department of Trade and Industry (DTI) ang operasyon ng isang Chinese food park sa Las Piñas City na China Food City.
Nitong Huwebes ay nag-inspeksyon si DTI Secretary Ramon Lopez, kasama ang ilang opisyal at mga tauhan ng DTI, sa China Food City, na nabalot ng kontrobersya dahil sa umano’y pagiging “Chinese-only” na lugar.
Paliwanag ng DTI, habang kumukuha pa ang China Food City ng mga kailangang permit, marapat na suspendihin muna ang operasyon nito.
Aalamin din ng DTI at lokal na pamahalaan ng Las Piñas kung mayroong business at work permits ang mga establisimyento sa lugar.
Nauna nang sinabi ng Lopez na kanyang suportado ang pahayag ni Senator Panfilo Lacson laban sa Chinese-only establishments, kung saan ipinagbabawal na makapasok ang mga Filipino.
Pahayag pa ni Lopez, malinaw na diskriminasyon ang pagsisilbi lamang sa mga kustomer na Chinese o anumang partikular na nationality.
Inatasan naman ng DTI ang lahat ng kanilang regional offices na suriin din ang mga establisimyento sa kani-kanilang lugar.
Pinayuhan ni Lopez ang publiko na maaari ring mag-ulat ng anumang paglabag ng mga negosyo sa pamamagitan ng pagtawag sa hotline na 1-DTI (1-384).
201