COC NG SAN PASCUAL, BATANGAS MAYORALTY BET PINAKAKANSELA

PINASASAGOT ng Commission on Elections 2nd Division si San Pascual, Batangas mayoralty candidate Arlene Bantugon-Magboo kaugnay sa inihaing petisyon ni Danilo A. Aldovino laban sa kanya.

Pirmado ni Atty. Genesis M. Gatdula, Clerk of the Commission ang summon na inilabas noong Nobyembre 28, 2024, at inaatasan si Magboo na magsumite ng isang Verified Answer cum Memorandum sa loob ng limang (5) araw mula sa araw ng pagtanggap nito.

Inihain ang petisyon alinsunod sa Seksyon 78 ng Omnibus Election Code na humihiling na kanselahin ang Certificate of Candidacy (COC) ni Magboo dahil sa umano’y maling impormasyon.

Ayon sa petisyon, si Magboo, na tatlong beses naging Board Member ng Batangas, ay nagdeklara ng paninirahan sa Barangay San Mateo, San Pascual, Batangas na taliwas sa kanyang dating deklarasyon bilang residente ng Barangay Sta. Mesa, Mabini, Batangas nang tumakbo siya bilang Board Member.

Ang paglipat ng address ni Bantugon-Magboo sa San Pascual, Batangas ay para lamang makalahok sa halalan, at wala siyang established o genuine ties sa community at hindi niya rin inabandona ang kanyang permanent residence sa 103 Barangay Sta. Mesa at kasalukuyang tirahan sa Barangay Gulibay, Bauan, Batangas, ayon sa petisyon.

Nakasaad pa rin dito na si Magboo ay basta na lamang sumulpot sa San Pascual.

Ang petisyon ay nakatuon sa kawalan ng sapat na kwalipikasyon ni Magboo sa paninirahan sa San Pascual, na isang mahalagang batayan sa kanyang kandidatura. Itinuturing itong paglabag sa batas na naglalayong tiyakin ang integridad ng halalan.

Ayon sa panuntunan ng Comelec, ang hindi pagsusumite ng verified answer sa loob ng takdang panahon ay maaaring magresulta sa pagresolba ng kaso batay lamang sa ebidensiyang iniharap ng petitioner.

Ang hakbang na ito ng Comelec ay nagpapakita ng kanilang paninindigan na tiyakin ang integridad ng darating na halalan at masigurong ang mga kandidato ay sumusunod sa mga itinatakdang batas.

20

Related posts

Leave a Comment