MULA sa kasalukuyang P18,000, inaprubahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang karagdagang P2,000 insentibo para sa 1,011,800 pampublikong mga guro at non-teaching personnel.
Ito ang ipinahayag ni Secretary Sonny Angara ng Department of Education (DepEd) na nagpaabot ng pasasalamat sa pangulo dahil magiging P20,000 na ang kabuuang Service Recognition Incentive (SRI).
“Pinasasalamatan namin si Pangulong Marcos, Jr. sa kanyang walang katulad na dedikasyon upang iangat ang kapakanan ng ating mga guro at iba pang personnel,” sabi ni Angara.
Sinabi pa ni Angara, makikipag-ugnayan siya kay Secretary Amenah Pangandaman ng Department of Budget and Management (DBM) upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng nasabing dagdag insentibo habang isinasaalang-alang ang angkop na mga polisiya.
Inatasan din ng pangulo si Pangandaman na ipatupad ang mga mekanismo sa kinakailangang pondo upang maihanda na ang proseso sa implementasyon ng SRI. (NEP CASTILLO)
7