TAHASANG sinalungat ng Philippine National Police (PNP) ang pahayag ni dating pangulong Rodrigo Roa Duterte na tumaas ang crime rates sa Pilipinas ngayong administrasyong Marcos Jr.
Ayon sa PNP, “crimes are down and clearance rates are up”.
Base sa kanilang estadistika, nakapagtala ang PNP ng 61.87-percent pagbaba sa index crimes mula July 2022 hanggang July 2024 kumpara sa parehong panahon noong 2016 at 2018.
“Our latest data indicates a substantial decline in crime rates, underscoring the effectiveness of our ongoing strategies and proactive measures,” pahayag ng PNP.
Sa Senate hearing kamakalawa, sinabi ng matandang Duterte na tumaas ang krimen sa bansa nang matigil na ang kanyang Davao style anti-narcotics operations.
Ibinase ng PNP ang kanilang tugon sa pahayag ni Duterte sa kanilang statistics kung saan nakapagtala sila ng 83,059 index crimes mula July 1, 2022 hanggang July 28, 2024 kumpara sa “217,830 reported incidents sa kapareho ding panahon ng 2016 to 2018.”
Mas mababa umano ito ng 11,641 murder cases, mas konti ng 2,420 homicides cases, 2,719 fewer rape incidents at pagbaba rin ng physical injuries cases ng 34,966.
Sinalungat din si Duterte ng Department of Justice (DOJ).
Sinabi ni DOJ Sec. Jesus Crispin Remulla, kung maikukumpara aniya mula Hulyo 1, 2022 hanggang Enero 31,2024 ay mayroong 324,368 na kaso o mas mababa ng 10.66 percent na naitala mula Disyembre 1, 2020 hanggang Hunyo 30, 2022.
Samantala, sa crime prevention and reporting ay sinusuportahan ni PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil ang mga inisyatiba ng PNP National Capital Region Police Office na digital reporting at positibong maipatutupad ito sa lahat ng police units sa buong bansa.
Nais ni National Capital Region Police Office acting Director PMGen Sidney Hernia na gawing digitalized ang pag-uulat ng krimen sa kalakhang Maynila.
Ayon kay Gen. Hernia, ito ay sa pamamagitan ng E-Gov Super App na tatawaging “Anti-Crime Super App” na layong mapabilis ang pagresponde ng pulisya at mapaigting ang seguridad ng publiko.
Bukod dito, target din ni Gen. Hernia na ipatupad ang paperless o fully digitalized reporting system sa lahat ng police units. (JESSE KABEL RUIZ)
60