Tinangkang agawin ng NPA SUNDALO SUGATAN SA PAGTATANGGOL SA RELIEF GOODS

ALBAY – Sugatan ang isang sundalo matapos makabakbakan ang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) nang salakayin sila habang nagdadala ng relief goods sa mga nasalanta ng bagyong Kristine, noong Linggo sa lalawigan.

Kinondena ng pamunuan ng Philippine Army ang pananambang ng ilang miyembro ng New People’s Army sa hanay ng 49th Infantry Battalion na nagsasagawa ng disaster relief operation, nang gamitan sila ng landmine habang patungo sa isang relief mission.

Hinala ng military, bukod sa tangkang pag-agaw sa dala nilang relief goods para sa mga nasalanta ng Bagyong Kristine, nais din ng komunistang hanay na makabawi sa pagkakadakip kamakailan sa tatlong mataas na lider ng CPP-NPA-NDFP.

Sa isang pahayag, sinabi ni Army Public Affairs chief, Col. Louie Dema-ala, ang hakbang na ito ng mga rebeldeng grupo ay mariin nilang kinokondena.

Ito aniya ay pagpapakita lamang ng isang karuwagan gayong abala ang lahat sa pagtulong sa mga residenteng nasalanta ng bagyo.

Ayon kay Maj. Frank Roldan, tagapagsalita ng Philippine Army 9th Infantry Division (9ID), nangyari ang bakbakan sa Barangay Matanglad, Pio Duran, Albay.

Bitbit ng tropa ng 49th Infantry Battalion ang relief goods nang salakayin sila ng mahigit sa 10 rebeldeng NPA.

Tumagal ng 15-minuto ang palitan ng putok na ikinasugat sa paa ng isang sundalo dahil sa paggamit ng anti-personnel mine ng mga rebelde, na mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng International Humanitarian Law. (JESSE KABEL RUIZ)

32

Related posts

Leave a Comment