EXTENDED OPERATING HOURS NG MRT-3 PINAG-AARALAN

mrt3

(NI KEVIN COLLANTES)

TINIYAK ng pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) na pinag-aaralan nila kung palalawigin nila ang operasyon ng kanilang mga tren sa pagsapit ng holiday season ngayong Nobyembre hanggang Disyembre, kung kailan inaasahang tataas ang bilang ng mga pasaherong sumasakay ng kanilang mga tren.

“Pinag-aaralan namin ‘yung extension ng oras kasi baka kakailanganin,” ayon kay MRT-3 Director Michael Capati, sa isang pulong balitaan.

Sinabi ni Capati na kabilang sa kanilang ikinukonsidera bago maglabas ng desisyon ay ang naka-iskedyul na pagpapalit ng riles ng MRT-3 sa Nobyembre.

Aniya pa, kailangan pa rin nilang konsultahin bago magdesisyon ang kanilang maintenance provider dahil sa sandaling mapalawig ang kanilang operating hours ay posibleng mawalan ang mga ito ng isang oras para sa gagawing rail replacement.

Nabatid na batay sa schedule, sisimulan sa Nobyembre ang pagpapalit ng riles sa MRT-3 mula 11:00 ng gabi hanggang 3:00 ng madaling araw o yaong mga oras na walang biyahe ang tren.

Bahagi ito nang isinagawang rehabilitasyon sa linya ng MRT-3 ng maintenance provider nito na Sumitomo.

“With that also we need to consult our maintenance provider kasi ‘pag nag-extend ako ng isang oras ang magiging repercussion niyan mawawalan sila ng isang oras for replacement ng riles,” aniya.

Sinabi ni Capati na isinasaalang-alang nila ang concern ng mga commuters na nagnanais na magkaroon ng extension sa kanilang operating hours para sa kanilang planong Christmas shopping activities, ngunit prayoridad rin naman nila ang pagpapalit ng mga riles ng MRT-3.

“Pag-aaralan namin kasi baka mamaya aprubahan namin ang magiging epekto naman bawas ka ng isang oras sa pag-rehab ng riles, eh pag-rehab ng riles ang prioridad natin kesa sa pag-extend,” dagdag pa ni Capati. “Pinag-aaralan po namin ‘yan. We will come up with the best solution para sa mananakay natin.”

Ang MRT-3  ang siyang nagdudugtong sa Taft Avenue, Pasay City at North Avenue, Quezon City via Epifanio delos Santos Avenue (EDSA).

 

132

Related posts

Leave a Comment