(NI JULIE DUIGAN)
ENJOY your retirement.
ITO ang matipid na reaksiyon ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso, laban kay dating Manila mayor Joseph Estrada sa sinabi nito kaugnay sa isinagawa niyang pagpapaalis sa mga vendors sa mga kalsada sa buong lungsod.
“I wish him good health and long life to enjoy his retirement,”pahayag ni isko
Una nang idinepensa ni Estrada ang kanyang sarili na kaya niya pinayagan ang lahat ng vendor na makapagtinda sa mga kalsada sa Maynila dahil sa naaawa siya sa mga mahihirap na pamilya.
“Hungry stomach knows no law,” ayon pa kay Estrada.
Gayunman, hindi nakatiis si Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan na idepensa si Moreno matapos ihayag na hindi naman pinagkakaitan ang mga vendor ng pagkakakitaan kundi gusto lamang ni Moreno na iayos sila alinsunod sa regulasyon ipinatutupad ng lokal na pamahalaan ng Maynila.
“Hindi inaalisan ng trabaho ni Mayor Isko ang mga vendors. Inaayos lang niya kasi dati, parang wala nang gobyerno. Kahit saan na lang pwede,” ayon kay Lacuna.
“Laging sinasabi ni Mayor Erap “ hungry stomach knows no law.” Ibig ba sabihin hahayaan na lang natin na wala nang batas na umiral mapagbigyan lang mga vendors kahit illegal? Kaninong stomach ba talaga ang hungry? Sa vendors o sa kanila na pumayag na mangyari ang ganyan? Kasi sila na mismo ang lumalabag sa batas!”dagdag pa ni Lacuna.
Sinabi pa ni Lacuna na hindi nila inaasahan na makikita ng maganda ng kanilang kalaban ang mga ginagawa ni Moreno sa Maynila.
Pinuna rin ni Lacuna ang unang negatibong reaksiyon ni Jerika, talunang kandidato sa pagka-konsehal ng distrito 3 at anak ni Estrada sa ginawa ni Moreno sa mga vendor.
“Kung walang masabing maganda, ‘wag na lang sana magsalita. Tsaka ang tanong: ‘yung mga vendors nga ba talaga ang nakinabang sa mga ‘organized vending’ na ‘yan?’ dagdag pa ni Lacuna.
Samantala, sinabi ni secretary to the mayor Bernie Ang na kanya-kanyang kayod na lamang ang bawat departamento para lang makuha lahat ng dokumentong kailangan na dapat sana ay itinurn-over ng transition team ni Estrada sa transition team ni Isko.
174