KINUMPISKANG GAMIT SA MRT3 PWEDE PANG BAWIIN

mrt1

(NI KEVIN COLLANTES)

NILINAW kahapon ng Department of Transportation (DOTr) na maaari pa ring mabawi o makuhang muli ng kanilang mga pasahero ang mga ipinagbabawal na items na kinumpiska sa kanila sa pagsakay sa istasyon ng kanilang mga tren ng Metro Rail Transit Line (MRT-3).

Sa isang paabiso, sinabi ng pamunuan ng DOTr-MRT-3 na anumang oras ay maaaring makuhang muli ng mga pasahero ang kanilang mga gamit, mula sa mga Station Supervisor sa istasyon kung saan nakumpiska ang mga ito.

Kinakailangan lamang umanong magpakita ng identification cards (IDs) ng mga pasahero upang matiyak na sila nga ang nagma-may-ari ng mga kinumpiskang items.

Matatandaang una nang ipinagbawal ng MRT-3 ang mga liquid items gaya ng tubig, softdrinks, pabango, alcohol, lotion, hand sanitizer at iba pa, sa pagpasok sa istasyon ng tren bilang bahagi nang pinaigting nilang seguridad matapos na makatanggap ng bomb threat.

Ang mga tubig, softdrinks, taho at iba pang pagkain ay ipinapaubos muna o di kaya ay ipinapatapon bago papasukin ng tren ang mga pasahero, habang ang mga pabango, alcohol, lotion, hand sanitizer at mga kahalintulad nito, ay kinukumpiska naman, ngunit maaaring balikan at bawiin na lamang ng may-ari doon.

“Para sa mga mananakay ng DOTr MRT-3: Ang mga item/s (pabango, alcohol, lotion, hand sanitizer, etc.) na nakumpiska mula nang ipinatupad ang pagbabawal ng anumang likido sa aming istasyon ay maaari pong makuha sa aming Station Supervisor sa istasyon kung saan ito nakumpiska,” paabiso ng DOTr-MRT3.

“Ipakita lamang ang inyong ID  sa aming Station Supervisor upang makuha ang nasabing item/s,” anito pa.

Ang MRT-3 na bumabagtas sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) ang siyang nag-uugnay sa North Avenue, Quezon City at Taft Avenue, Pasay City.

 

150

Related posts

Leave a Comment