(NI KEVIN COLLANTES)
NAKAPERWISYO na naman ang ilang train commuters nang isa na namang tren ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ang dumanas ng aberya sa area ng Makati City, nitong Huwebes.
Sa inisyung advisory ng Department of Transportation (DOTr), lumilitaw na dakong alas-6:08 ng umaga nang magkaroon ng aberya ang tren sa pagitan ng Guadalupe at Sen. Gil J. Puyat (Buendia) stations.
Problemang teknikal ang itinuturong dahilan ng aberya.
Inabot naman ng hanggang alas-6:47 ng umaga bago tuluyang naayos ang problema at naibalik sa normal ang operasyon ng mga tren.
Kaagad namang humingi ng paumanhin sa kanilang mga mananakay ang pamunuan ng MRT-3 dahil sa perwisyong idinulot ng aberya.
Matatandaang nitong Miyerkoles ay isang tren din ng MRT-3 ang tumirik sa pagitan ng dalawang istasyon sa Makati City dahil sa electrical failure sa motor, sanhi upang 700 pasahero nito ang pababain ng tren at inilipat na lamang sa kasunod na tren upang maihatid sa kani-kanilang destinasyon.
Ang MRT-3 ay bumibiyahe sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) mula North Avenue, Quezon City at Taft Avenue, Pasay City, at pabalik.
227