MRT-3 TIGIL-BIYAHE MULA APRIL 15-21

mrt15

(NI KEVIN COLLANTES)

INIANUNSIYO ng Department of Transportation (DOTr) nitong Martes na sususpendihin nila ng isang linggo ang biyahe ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) sa Mahal na Araw.

Ito’y upang bigyang-daan ang kanilang annual general maintenance shutdown.

Batay sa paabiso ng DOTr, itatapat nila ang pagtitigil ng biyahe para sa pagkukumpuni, sa Mahal na Araw, o mula Abril 15, Lunes Santo, hanggang Abril 21, Linggo ng Pagkabuhay o Easter Sunday.

Layunin anila nito na hindi masyadong maapektuhan ang kanilang mga mananakay, na inaasahang magsisiuwian naman sa kani-kanilang lalawigan upang doon gunitain ang mahalagang relihiyosong aktibidad.

“HEADS UP: MRT-3 will have its annual general maintenance shutdown (Holy Week shutdown) from Holy Monday, April 15, to Easter Sunday, April 21,” nakasaad sa advisory ng DOTr.

“Maintenance works that will be done during the one week suspension of revenue operations include rail grinding, rail cascading, replacement of turnouts, structural testing, and other general maintenance activities on our trains, electrical systems, and other MRT-3 subsystems,” dagdag pa nito.

Inaasahan namang sa Abril 22, Lunes, ay magbabalik sa normal ang operasyon ng mga tren ng MRT-3.

Kaugnay nito, humihingi ng pang-unawa ang DOTr-MRT3 sa publiko dahil  sa pagtitigil nila ng biyahe, na ang layunin anila ay upang higit pang mapaghusay ang ibinibigay nilang serbisyo sa publiko.

Inaasahan namang sa naturang petsa ay magpapatupad rin ng general maintenance shutdown ang pamunuan ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) at Line 2 (LRT-2) na taun-taon namang nilang isinasagawa, ngunit sa kasalukuyan ay wala pang inilalabas na paabiso ang mga ito para sa kanilang Holy Week schedule.

Ang MRT-3, na bumibiyahe sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA), ang siyang nag-uugnay sa Taft Avenue, Pasay City at North Avenue, Quezon City.

 

 

 

 

 

254

Related posts

Leave a Comment