(NI NICK ECHEVARRIA)
HANDA na ang lahat ng seguridad na inilatag ng National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte bukas, Lunes (July 22).
Ayon kay NCRPO director P/MGen. Guillermo Eleazar, nasa full alert status ang buong kapulisan kung saan 14,000 mga police personnel ang naatasang magbigay ng seguridad sa 2019 SONA ng Pangulo, 9,162 dito ang itatalaga sa Quezon City na mangangalaga sa paligid ng Batasang Pambansa.
Kasalukuyang nasa pre-deployment position na ang kanilang mga operatiba at nakahandang tumulak ganap na alas-5:00 ng umaga sa mga lugar na pagdarausan ng mga kilos protesta partikular sa kahabaan ng Commonwealth Ave., hanggang sa St. Peter Parish Church kung saan papayagan ang mga militanteng grupo at sa IBP road para sa mga pro-administration.
Maliban sa paligid ng Batasan, kasama sa mga babantayan ng kapulisan ang mga matataong lugar tulad ng mga malalaking malls, simbahan, terminals, paliparan, pantalan at mga vital installtions ng pamahalaan.
May nakalatag ding contingency plan ang NRCPO sakaling maisipan ng Pangulo na harapin at kausapin ang mga nagki-kilos protesta, matapos ang kanyang SONA, ayon kay Eleazar nakipag-ugnayan na sila sa Presidential Security Group (PSG).
Matatandaan na nasorpresa ang NCRPO dalawang taon na ang nakalilipas nang biglang lumabas ang Presidente sa House of Representatives pagkatapos ng SONA address nito para kausapin ang mga nagra-rally.
Binanggit pa ng hepe ng NCRPO na bahagi ng ipatutupad na security measures ang pag-jam sa mga cellular signals.
Inaasahang aabot sa 15,000 ang mga magki-kilos protesta sa araw ng SONA subalit hindi naman nababahala dito sa Eleazar dahil may usapan na sila ng mga organizers ng rally na mismong sila ang magbabantay sa kanilang hanay base sa mga guidelines na kanilang na napagkasunduan para maiwasan ang anumang kaguluhan.
Tinukoy din ni Eleazar na sa mga nakalipas na SONA ng Presidente simula nang maupo ito sa pwesto noong 2016 ay wala namang naitalang mga bayolenteng pagbuwag sa hanay ng mga militanteng grupo.
177