PARA maiangat ang antas ng pamumuhay ng bawat Pilipinong manggagawa, isinusulong ng Trabaho Party-list ang paghahandog ng mga non-wage benefits tulad ng allowances at subsidies.
Ayon kay Atty. Mitchell-David Espiritu, tagapagsalita ng Trabaho Party-list, mainam ang paghahandog ng mga naturang benepisyo, lalo na’t mayroon na namang 2.3% inflation rate noong Oktubre 2024.
Hinimok ng grupo ang mga employer na magbigay ng benepisyo tulad ng rice subsidy, transportation allowance, at medical allowance upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng bilihin.
Para kay Atty. Espiritu, itong mga non-wage benefits ang maaaring tutukan ng private sector companies upang matulungan ang kanilang mga empleyado.
Ayon sa Trabaho Party-list, maaaring gawing batayan ang mga natutunan noong pandemya tulad ng work-from-home arrangement at flexible working hours para sa mas maayos na kondisyon ng mga manggagawa. Itinutulak din ng Trabaho Party-list ang pagsusuri sa kasalukuyang P90,000 tax exemption threshold para matiyak na ito ay tumutugma sa kasalukuyang pangangailangan ng mga manggagawa.
Nauna nang inihayag ng Trabaho Party-list na masusi nitong tututukan ang mga solusyon sa tinatawag na “most urgent national concerns” ng taumbayan tulad ng pagkontrol ng inflation at pagdagdag ng trabaho.
Naniniwala rin ang grupo na mahalaga ang pagkakaroon ng representasyon ng Trabaho Party-list sa Kongreso upang maisabatas ang mahahalagang benepisyo para sa mga manggagawang Pilipino.
16