GAGASTOS ng tinatayang P200 bilyon kada taon ang National Irrigation Administration para matiyak ang food security ng Pilipinas ayon sa National Irrigation Administration (NIA) sa ginanap na pulong balitaan.
“My estimate for us to be food secure… we need P200 billion [budget] yearly for the next 10 years,” ayon kay NIA Administrator Eddie Guillen.
Inihayag ni Eng.Guillen na kailangang mabigyan ang ahensya ng tinatayang P200 billion na pondo kada taon para sa susunod na 10 taon para matustusan ang kanilang irrigation projects na layuning mapatubigan ang mga irrigable land.
Paliwanag ni Guillen, popondohan ng P200 bilyong budget ang short to long term projects ng ahensya tulad ng konstruksyon ng high dams, restoration projects, solar pump irrigation initiatives, at water impounding projects.
Magugunitang inihayag ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., na nais niyang matapos ang konstruksyon ng high dams sa pagtatapos ng kanyang termino sa 2028.
Subalit nabatid na para sa taong 2025 na pondo ng ahensya ay P42 billion ang naaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM).
Sinabi ng NIA chief, ipinanukala na ng ahensya ang P200 bilyon sa Department of Budget and Management (DBM) para sa budget sa susunod na taon subalit ang inaprubahan lamang ng DBM ay P42 bilyon dahil sa limitadong fiscal space.
Para sa 2024, nakatanggap ang NIA ng P70.22 bilyong alokasyon sa ilalim ng General Appropriations Act ngayong taon.
Tiwala naman ang ahensiya na tutulungan ng Kamara at Senado ang NIA na makakuha ng mas malaking alokasyon kapag nag-umpisa na ang budget deliberations para sa P6.352 trilyong proposed national expenditure plan.
Target ng DBM na maisumite sa Kamara ang proposed budget sa susunod na taon, isang linggo pagkatapos ng ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo 22.
Samantala, apat na high dams project — na mas mataas sa 75 metro o mayroong reservoir storage capacity na lampas 60 million cubic meters— ang kasalukuyang ibini-bid.
Kabilang dito ang: 8.6 bilyong Tumauini River Multipurpose Project (TRMP) sa Isabela; P19 bilyong Panay River Basin Integrated Development Project (PRBIDP) sa Iloilo na binubuo ng dalawang Panay High Dam, ang Panay Afterbay Dam; isang high line canal; at isang floodway component; P22.7 bilyong Ilocos Norte-Ilocos Sur-Abra Irrigation Project II (INISAIP II), at P9 bilyong Ilocos Sur Transbasin Project. (JESSE KABEL RUIZ)
138