PARAÑAQUE FIRST LADY AILEEN CLAIRE OLIVAREZ NAGHAIN NG KANDIDATURA BILANG MAYOR

OPISYAL nang naghain ng Certificate of Candidacy (COC) sa Commission on Elections si Mayora Aileen Claire Olivarez (ACO) bilang alkalde ng lungsod.

Kasama ang ilang tagasuporta at staff, isinumite ni ACO ang kanyang COC sa local Comelec office, Lunes, Oct. 7 nang walang ano mang ‘gimik’ o programa. Si ACO ang maybahay ni incumbent Mayor Eric Olivarez.

Sa pulong balitaan kasunod ng COC filing, sinabi ni ACO na matagal na siyang umiikot sa iba’t ibang komunidad na bahagi ng pagtupad ng kanyang tungkulin bilang City Nutrition Action Officer alinsabay ng pagiging hepe ng Cleanliness, Beautification and Sanitation department ng lungsod. Ayon sa opisyal, personal niyang narinig at nasaksihan ang mga problemang kinakaharap ng mga Parañaqueno bunsod ng kakulangan ng serbisyo mula sa city hall.

“Matagal na po akong umiikot sa iba’t ibang komunidad sa ating lungsod, sa aking pakikipag-usap sa ating mga kababayan, narinig ko po ang kwento ng mga inang nag-aalala para sa kinabukasan ng kanilang mga anak, mga ama na naghahanap ng trabaho at mga nakatatandang tila napabayaan na ng liderato ng ating lungsod. Totoo po na may kakulangan pa tayo sa maayos na edukasyon at serbisyong pangkalusugan,” ani ACO.

Aniya, nararapat lamang na mabigyan ng mas maayos at makataong serbisyo ang kanyang mga kababayan. Ito umano ang nagtulak sa kanya upang tumindig at harapin ang mga hamon na kinahaharap ng mga Parañaqueño. Binigyan diin ng opisyal na iba siya sa mga nanungkulan sa city hall, ibang-iba umano ang paglilingkod na may puso, malasakit at panahon sa bawat tao sa lungsod. (DANNY BACOLOD)

37

Related posts

Leave a Comment