HINIMOK ni Brian Poe Llamanzares, unang nominado ng FPJ Panday Bayanihan Party-list, ang mamimili na tangkilikin ang mga lokal na produkto at suportahan ang maliliit at katamtamang laki ng negosyo (SMEs) lalo na ngayong kapaskuhan.
Ipinaalala rin niya sa mga consumer na maging mapanuri sa kalidad ng mga imported na produkto at mag-ingat sa lumalalang banta ng mga online scam.
“Sa Paskong ito, magsikap tayong mamili ng mga lokal na produkto,” sabi ni Poe sa isang pahayag.
“Bagaman ang mga imported na produkto ay maaaring tila mas mura at nag-aalok ng mas maraming pagpipilian, dapat tayong mag-alinlangan sa kalidad ng mga ito at isaalang-alang ang epekto sa ating lokal na ekonomiya.”
Binigyang-diin ni Poe ang mga hamon na kinakaharap ng mga Filipino SME, na kadalasang nahihirapan makipagkumpitensya sa pagdagsa ng mga imported na produkto na nag-eenganyo sa mas mababang halaga.
“Ang pagsuporta sa mga lokal na negosyo ay nangangahulugan ng pamumuhunan sa ating sariling mga komunidad,” paliwanag niya.
“Ito ay nangangahulugan ng paglikha ng mga trabaho, pagsuporta sa mga pamilya, at pagbuo ng isang mas malakas na ekonomiya para sa lahat,” lahad ni Brian Poe.
Nagpahayag din siya ng pagkabahala sa lumalaking kahinaan ng mga Pilipino sa mga online scam, binanggit na marami ang madaling humanga sa mga advertisement at kadalasang nabibiktima ng mga mapanlinlang na tawag at text.
“Hindi talaga natin masisisi ang Nikkei Asia sa pagsasabi na ang Pilipinas ay nagiging sentro ng Asia para sa online shopping scams,” ungkat ni Brian Poe. “Ito ay isang seryosong problema na nangangailangan ng ating pansin.”
Hinikayat ni Poe ang mga Pilipino na maging mas mapanuri sa kanilang mga binibili, magsaliksik nang mabuti tungkol sa mga produkto at isaalang-alang ang kalidad at pinagmulan ng mga kalakal bago bumili.
“Mag-ingat tayo sa kung saan napupunta ang ating pera,” aniya.
“Sa pagpili ng mga lokal na produkto, hindi lamang natin sinusuportahan ang ating mga kapwa Pilipino kundi tinitiyak din natin na nakakakuha tayo ng mga de-kalidad na produkto na ginawa nang may pag-aalaga at atensyon sa detalye.”
17