SENIORS PINAHALAGAHAN SA ELDERLY FILIPINO WEEK

SA paggunita ngayong Oktubre ng Elderly Filipino Week, kinilala ni Senior Citizens Party-list Representative Rodolfo “Ompong” Ordanes ang pagkilala sa napakalaking ambag ng bawat senior citizen sa pagpapa-unlad sa Pilipinas at paggabay sa bagong henerasyon.

Ang tema ng selebrasyon ngayon taon ay “Senior Citizen: Building the Nation, Inspiring Generations.”

“Kaya naman marapat lamang na bawat isang senior citizen sa bansa ay ating kilalanin, ipagdiwang at pahalagahan sa kanilang pagiging matibay na haligi ng ating komunidad at lipunan,” sabi pa ng mambabatas.

Ayon pa kay Ordanes, patuloy niyang ipaglalaban ang mga karapatan ng senior citizens sa pamamagitan ng mga batas, mahahalagang serbisyo at programa.

Aniya, noong 17th Congress, ipinaglaban ng Senior Citizens Party-list ang pagtatag sa National Commission of Senior Citizen at noong 18th Congress ay personal niyang ipinaglaban ang pagtaas ng buwanang pensyon ng mahihirap na senior citizen at ito ay P1,000 na ngayon mula P500. At ngayon 19th Congress, isinulong ni Ordanes ang RA 11982, ang batas na magbibigay ng P10,000 sa mga aabot sa edad na 80, 85, 90 at 95. Nakalusot na rin sa Kamara ang panukalang-batas para sa universal social pension para sa lahat ng senior citizens anoman ang katayuan sa buhay.

Kasalukuyan naman, dagdag pa ni Ordanes, na inilalapit niya sa Senado na ipasa na ang Early Voting Act, Comprehensive Senior Citizen Welfare Act, National Geriatric Health Act, Senior Citizens Protection Against Fraud Act, Enhancing the Discount on the Purchase of Good and Services of Senior Citizens and Person with Disabilities.

Gayundin ang E-Gov Ph Super App Act at Rationalizing the Benefits and Privileges of Senior Citizens and Persons with Disabilities.

“Ang mga ito ay para sa kalusugan, kasayahan at kabuhayan ng ating mahal na senior citizens. Patuloy pa kaming magsisikap sa Senior Citizens Party-list na lubos na maalagaan at mapangalagaan ang ating mga nakakatanda,” sabi pa ni Ordanes.

47

Related posts

Leave a Comment