(NI DAHLIA ANIN)
SINALAKAY ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BoC) ang isang high end na tindahan ng gadgets sa Binondo, Maynila na nagtitinda umano ng mga smuggled na produkto.
Bukod pa rito, nahuli rin ang 15 Chinese na mga undocumented umano na nagtatrabaho sa nasabing tindahan.
Dala ang Letter of Authority No.07-31-152-2019, sinalakay ng pinagsanib na pwersa ng Bureau of Customs Intelligence and Investigation Service (BOC-CIIS), Intellectual Property Rights Division, Armed Forces of the Philippines (AFP) Joint Task Force- National Capital Region at Philippine Coast Guard.
Isinagawa ang raid noong Miyekoles at nasamsam ang mga produkto na may brand na Apple iphone, Ipad, Xiaomi at Samsung na wala umanong dokumento at papeles na magpapatunay na ito ay binayaran ng tamang buwis.
Bago ang operasyon ay minanmanan muna umano ng isang buwan ang naturang tindahan, kaya nakumpirmang smuggled ang mga tinitinda nitong produkto.
Binigyan ng palugit na hanggang Agosto 14 ang may-ari ng establisimyento upang makapagpresenta ng mga ebidensya na nabuwisan ang mga imported na gadgets.
Napag-alaman din ng otoridad na sa 15 Chinese na naroon siyam dito ay mayroon lamang tourist visa, 3 ang walang maipakitang dokumento, 2 ang may 9G visa at isa lamang ang may special working permit.
Nasa kustodiya na ngayon ng Bureau of Immigration ang 15 banyaga upang maimbestigahan.
166