APEKTADO na rin ang turismo sa ilang mga munisipalidad kasunod ng pagputok ng Mt. Kanlaon noong Disyembre 9, 2024.
Ayon sa Department of Tourism (DOT), nakatanggap ang kanilang Regional Offices ng ulat na apektado ang tourism stakeholders dahil sa nararanasang matinding ashfall.
Kabilang dito ang mga munisipalidad at bayan ng Negros Occidental, katulad ng La Castellana, La Carlota City, Bago City, at Murcia. Sa Negros Oriental, ang apektadong lugar ay kabilang ang Canlaon City.
Bilang precautionary measure, ang tourist activities sa apektadong mga lugar ay sinuspinde gaya ng trekking, swimming, farm site visits, at day tours.
Ang tiyak na atraksyon na pansamantalang sarado ay kinabibilangan ng Guintubdan Spring, Buenos Aires Resort, Mambukal Resort, Sugar Valley Coffee Farm, at iba pang sites na malapit o nasa 6-kilometer permanent danger zone.
Bukod dito, ang Kanlaon Inland Resort and Eco-Tourism, Padudusan Falls, Bao-bao Viewing Deck, at Quipot Falls sa Canlaon City ay isinara ng City’s Local Government upang masiguro ang kaligtasan ng publiko.
Bagama’t walang iniulat na nasaktan, nasawi o stranded na turista, mahigpit na pinapayuhan ang mga manlalakbay na iwasan ang nasabing destinasyon sa 6-kilometer permanent danger zone at sa mga lugar na apektado ng ashfall.
Hinikayat din ang mga turista na manatiling maingat at laging updated sa pagsubaybay at sa mga abiso mula sa local government units (LGUs), disaster response authorities, at DOT Regional Offices.
Prayoridad ng DOT ang kaligtasan ng lahat ng mga turista at lokal na komunidad at hinihikayat ang lahat na manatiling mapagbantay at magkaroon ng kaalaman sa panahong ito.
Para sa tourist information and assistance, maaaring tumawag sa DOT sa pamamagitan ng sumusunod na channels.
• Hotline: 151-TOUR (8687)
• Mobile: 0954-253-3215
• Facebook: Department of Tourism – Philippines
• Email: touristassistance@tourism.gov.ph
• Click2Call and Live Webchat: beta.tourism.gov.ph
(JOCELYN DOMENDEN)
4