(NI LYSSA VILLAROMAN)
IPINAGMALAKI ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director P/Director General Guillermo Eleazar na umabot sa 38 milyong turista ang bumisita dulot sa tiwala ng mga ito sa pagpapaigting ng peace and order situation na ipinatutupad ng pulisya sa buong bansa.
Sa isang press briefing kanina sa Philippine Chamber of Commerce and Industry’s (PCCI) sa Taguig City, sinabi ni Eleazar na base sa datos ng Department of Tourism (DoT), sa pakikipagtulugan ng mga police districts sa Metro Manila mula Enero hanggang Agosto ng taong kasalukuyan, umabot sa 38,183,193 na turista ang bumisita sa bansa.
Ayon kay Eleazar, ang pagtaas ng bilang ng mga turista sa Metro Manila ay nakamit dahil sa pagbaba ng aabot sa 58 porsyento ng kriminalidad simula ng manunggkulan si Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016.
“Dahil sa pagpapabuti ng peace and order situation na aming ipinatutupad, nakapagtala tayo at nakapanghikayat ng mas maraming turista mapa-lokal man o banyaga.”
Dagdag pa ni Eleazar na kapag napalakas ang peace and order situation ay ay kaakibat na nito ang pag-asenso ng ekonomiya at pag-unlad ng turismo sa ating bansa.
Sinabi ni Eleazar na naging matagumpay ang kanilang kampanya laban sa kriminalidad dahil na rin sa puspusang pakikipaglaban sa iligal na droga, paglalagay ng police visibility, ang partisipasyon ng media upang maging makabuluhan ang trabaho ng pulisya, paglilinis sa police ranks ng PNP at ang pagtataas ng suweldo ng mga kagawad ng pulisya.
May plano rin ang NCRPO na magtalaga ng mga pulis na higit nas may kinalaman sa turismo.
“Dito sa amin sa Metro Manila, nakapagtala kami ng mga classified na espesyal na lugar at festivals upang makapagbigay kami ng kinakailangang serbisyo at suporta ng pulisya,” pagtatapos ni Eleazar.
329