MGA BARANGAY SA PROBINSYA BANTAYAN SA RELIEF OPS

DPA

HINDI lang ang mga barangay sa Metro Manila ang dapat bantayan sa relief operations ng Local Governent Units (LGUs) sa gitna ng Enhanced Community Quarantine kundi higit lalo na sa mga lalawigan.

Hindi sa walang tiwala ang inyong DPA as in Deep Penetration Agent sa barangay officials sa mga lalawigan pero maraming reklamo tayong natatanggap na kapag may biyayang ipamamahagi ang gobyerno sa mga tao na idinadaan sa kanila.

May mga natanggap tayong reklamo sa mga malalayong probinsiya na hindi lahat ng pamilya sa bawat barangay ay nabibigyan ng relief goods mula sa kanilang LGUs.

Yung mga pamilya na miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ay hindi na raw isinasali sa mga bibigyan ng relief goods dahil may natatanggap naman daw silang tulong pinansyal mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) buwan-buwan.

Hindi rin daw kasali sa mga binibigyan ng tulong ang  pamilya na may kaanak na Overseas Filipino Worker (OFW) dahil may pera naman daw sila na magagastos.
Kailangang linawin ng gobyerno kung may exemption sa mga bibigyan ng tulong habang may ECQ dahil ang pagkakaintindi ng lahat, walang exempted, lahat ay tutulungan habang hindi makapagtrabaho ang mga tao.

Dapat malinaw ang instruction sa barangay officials at dapat matulungan lahat lalo na’t 18 milyong pamilya ang pinaglaanan ng pondo para mapakain ang mga ito habang nasa ilalim ng ECQ ang buong Luzon.

Miyembro man ng 4Ps o hindi, may kaanak man na OFW o wala, dapat tulungan ang lahat ng pamilya dahil tulad ng lahat ay dapat ding kumain ang mga taong ito. Dapat lahat! Lahat dapat!
Maiintindihan ko kung hindi bibigyan ng tulong ang mga mayayaman o may konting kakayahan sa buhay dahil kayang kaya ng mga ito na mabuhay. Pero iyong mga mahihirap na umaasa sa padala ng pamilya na nagtatrabaho sa ibang bansa  o binibigyan ng gobyerno na tulong pinansyal tulad ng 4Ps ay hindi bibigyan, parang may mali sa patakaran.

Dapat ding bantayan nang husto ang mga barangay sa mga probinsiya dahil karaniwang nangyayari, inuuna ng mga opisyal nito ang kanilang sarili, kaanak at mga taong alam nilang bumoto sa kanila noong nakaraang eleksyon.

Nangyayari iyan kapag may ibinibigay na tulong ang Department of Agriculture (DA) sa mga magsasaka sa mga probinsya dahil inuuna ng barangay officials ang kanilang sarili sa biyayang ito na dapat sana ay para sa lahat.

Alam ng barangay officials kung sino ang bumoto sa kanila sa kanilang barangay na binibigyan ng prayoridad habang iyong  alam nilang kalaban nila ay ‘sorry na lang’.

Hindi iyan malayong mangyari sa panahon ­ngayon dahil sa mga barangay idinadaan ang mga tulong sa mga tao na apektado nang husto sa situwasyon ngayon kaya dapat silang bantayan.

Sa ganitong panahon , dapat isantabi muna ang pulitika at ­tulungan ang lahat mga taong nangangailangan, bumoto man sa inyo o hindi, dahil kailangan din nilang kumain. Lord Kayo na po ang bahala.

125

Related posts

Leave a Comment