ISA sa mga hindi magandang kultura nating mga Filipino ay hindi tayo natutong maglakad ng medyo malayo-layo. Kahit malapit, sumakasay tayo ng jeep, bus at tricycle.
Hindi tayo naturuan mula pagkabata na mahalaga sa kalusugan ng tao ang paglalakad ng malayo katulad ng iminulat sa mga tao sa ibang bansa katulad halimbawa sa Japan.
Kahit sa mga probinsya lalo na sa kapatagan, bihira kang makakita ng mga tao na naglalakad ng malayo-malayo at lalong bihira kang makakita dito sa Metro Manila ng mga taong mas gustuhin ang maglakad kesa sumakay.
Kahit sa ilang kanto lang ang pupuntahan, sasakay tayo ng tricycle o jeep dahil ang katuwiran natin, may pambayad naman tayo at nakakapagod ang malakad kahit isang kilometro lang.
Ayaw nating pagpawisan at mangamoy pawis pagdating natin sa ating pupuntahan kapag ayaw nating maglakad. Ayaw nating maarawan at lalong ayaw na ayaw nating maulanan.
Kaya hindi na ako magtataka na kapag nagkaroon ng strike ang mga sasakyan sa ating bansa, ay apektado ang lahat lalo na ang ekonomiya dahil hindi makapasok ang mga tao sa trabaho, hindi makapasok ang mga kabataan sa eskuwelahan.
Pero nitong panahon ng pandemya, marami na ang napipilitang maglakad dahil bihira na ang pampasaherong jeep na pinapasada nang magbukas ng bahagya ang gobyerno sa ekonomiya.
Sana maturuan na ang mga kabataan ngayon pa lamang na maglakad imbes na sumakay. At dapat kanilang itanim sa isip na ehersisyo ang paglalakad na mahalaga sa kanilang kalusugan.
Hindi pa naman huli ang lahat dahil hindi pa naman katapusan ng mundo para ituro ito sa mga kabataan sa kanilang paaralan para pagtanda nila ay dala-dala na nila ang kulturang iyan na hindi naituro sa ating mga nakakatanda.
Yung mga paslit, exempted siyempre sa paglalakad lalo na kung ihinahatid pa ng kanilang mga magulang sa eskuwelahan pero pagdating ng grade 1 hanggang sa kolehiyo, siguro naman kaya na nilang maglakad mag-isa.
Mas kailangang imulat ang mga kabataan ngayon sa paglalakad dahil halos wala na silang ehersisyo dahil sa makabagong teknolohiya kaya pirming nakaupo na lamang sila sa kanilang bahay sa paglalaro sa cellphone o kaya computer.
Mahirap man o mayaman, nagugumon ang mga kabataan sa cellphone at computer lalo na dito sa Metro Manila kaya kailangang ituro sa kanila na maglakad lalo na kung malapit lang din naman ang kanilang pupuntahan.
Yung mga kabataan sa mahihirap at malalayong probinsya lalo na sa kabundukan naglalakad sila ng apat na kilometro pagpasok at apat na kilometro pag-uwi nila at kahit sila ay mahirap, halata mo sa kanila ang katatagan ng kanilang pangangatawan.
Malayong malayo ang panga ngatawan nila sa mga kabataan sa Metro Manila at mga mauunlad na lungsod kaya siguro, kailangan nang maturuan ang mga kabataang ito na maglakad.
