MASYADONG matunog ang pangalan ni Health Secretary Francisco Duque III habang sinusugpo ng administrasyong Duterte ang coronavirus disease 2019 o COVID-19.
Kaso, matunog ang kaniyang pangalan dahil sa ko rapsyon at kapalpakan at hindi sa husay na makontrol ang pagdami ng bilang ng mga nabibiktima ng sakit.
Nito lamang Hunyo 25 ay umabot na sa 33, 069 ang kabuuang bilang ng mga Filipino na nagakroon ng COVID-19, ayon sa Department of Health (DOH).
Sa bilang na ito, umabot na sa 1,212 ang mga namatay.
Mahalaga ang personnel protective equipment (PPE) para sa mga health workers, ngunit mayroong patong ang presyo.
Kailangang-kailangang ang mga testing kit, pero napakataas din ng presyo nito.
Pokaragat na ‘yan!
Ang nagpasama sa sitwasyon ay nang saluhin ni Pangulong Rodrigo Duterte si Duque mula sa kaliwa’t kanang birada ng taumbayan at ilang senador hinggil sa korapsyon sa DOH.
Tiniyak ni Duterte na hindi korap si Duque.
Siniguro rin ng Pangulo na hindi sangkot sa anumang uri ng katiwalian at korapsiyon ang kalihim ng kagawaran ng kalusugan.
Kung pag-aaralan ang kasaysayan ng DOH, hindi lang din naman ngayon nabalitang mayroong korapsiyon doon.
Sa press statement na inilabas ni Senador Richard Gordon nitong Hunyo 22, idiniin niyang matagal nang namamayagpag ang mga magnanakaw ng pera sa DOH.
Idiniin ni Gordon na matagal nang maraming sindikato sa DOH.
“Noong araw pa marami [na]ng sindikato [sa DOH], marami [na]ng gumagawa ng paraan diyan para makapag-overprice ng gamot sapagkat napaka-lucrative ng perang nandiyan [sa DOH],” banggit ni Gordon.
Ibig sabihin, mayroong beteranong mga magnanakaw ng pampublikong pondong inilaan sa DOH.
Hindi tinukoy ni Gordon kung sinu-sino ang pinuno ng mga sindikato.
Hindi rin pinalawig ng senador kung kaninong opisyal ng DOH konektado ang mga sindikato, lalo na kung ang mga ito ay konektado kay Duque.
Kung mayroong impormasyon si Gordon hinggil sa mga beteranong magnanakaw sa DOH, dapat magpatawag na siya ng imbestigasyon hinggil dito.
Kailangan nang ilantad upang malaman ng publiko kung sinu-sino ang mga ito na habang kumikilos ang pamahalaan laban sa COVID-19 ay tila wala silang tigil sa kasibaan sa pera.
Sabi ni Gordon, “Maraming gustong makapasok diyan [sa DOH], marami kasing perang nakalaan diyan [sa DOH].”
Sa gamot pa lang pihadong tiba-tiba ang mga beteranong magnanakaw ng pera sa DOH.
Batay sa datos ng Commission on Audit (COA), umabot sa kabuuang P55.7 bilyon ang naging badyet ng DOH sa mga gamot mula 2015 hanggang 2018.
Isa-isahin natin: P10 bilyon noong 2015, P11.3 bilyon nang sumunod na taon, umakyat pa sa P16 bilyon noong 2017, hanggang sa naging P18.4 bilyon noong 2018.
Pansining mabuti na taun-taon tumataas ng ilang bilyon ang pondo.
Nangangahulugang dumarami nang dumarami kada taon ang mga Filipino na mayroong sakit.
Nangangahulugang dumarami ang mga Filipino na mayroong maintenance sa diabetes, sa puso, cholesterol at marami pang iba.
Ilang milyon ba sa 110 milyong Filipino ba na ang edad ay 45 pataas upang uminom na ng kung anu-anong gamot araw-araw?
Ang mga gamot na in-order ng DOH sa mga dambuhalang kumpanya ng mga gamot ay ipinamamahagi sa mga pamahalaang lokal upang ang kani-kanilang mga Social Welfare and Development
Unit at mga barangay centers ang siyang magbigay nito sa mga residenteng umiinom ng gamot araw-araw.
Mayroong eksaktong bilang dapat ‘yan na iniuulat sa DOH na ipararating naman nito sa COA upang tuwing matatapos ang taon ay magkaroon ng auditing.
Sa isinagawang auditing ng COA, nadiskubreng milyun-milyong halaga ng mga gamot ang hindi naipamahagi ng DOH sa ibat-ibang LGUs.
Nakatambak lang ito sa mga bodega ng DOH.
Nakasaad sa ulat ng COA, ang milyun-milyong halaga ng mga gamot na hindi naipamahagi ay “expired” na.
Isa sa mga nabanggit sa ulat ng COA ay P30 milyong halaga ng mga gamot na hindi naipamigay sa mga pamahalang lokal noong 2018.
Tingnang mabuti ang halaga upang sumirit sa inyong mga utak na tatlumpung milyon ang halaga ng mga gamot ang nasayang at hindi isang milyon.
At iyan ay noong 2018 pa lang.
Gamot pa lang ang binabanggit natin dito at alam natin na matagal nang umaapaw ang perang inilalaan sa DOH sa pamamagitan ng budget na inaaprubahan ng Kongreso taon-taon.
Alam ‘yan ni Senador Gordon.
Palagay ko nakarating na rin ang impormasyong ‘yan kay Senador Christopher Lawrence “Bong” Go na pinuno ng Senate Committee on Health and Demography.
Ang tanong, bakit patuloy pa rin ang pagbibigay ng nakapalaking pondo sa DOH taun-taon samantalang milyun-milyong halaga ng mga gamot ang nasasayang ng kagawarang ito?
Ikalawang tanong: Bakit ba hindi binanggit at binusisi nang husto ang korapsyon sa DOH sa mga pagdinig at talakayan ng badyet sa nasabing kagarawan?
Ikatlo: Bakit hindi iniimbestigahan ang sinasabi ni Gordon na matagal nang maraming sindikato sa DOH upang matumbok at mapangalanan ang mga pinuno at kasapi ng mga beteranong magnanakaw ng pera sa DOH?
