Ni JOEL O. AMONGO
BILANG tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kabi-kabilang pagsalakay ang isinagawa ng Bureau of Customs sa iba’t ibang bahagi ng bansa nitong nakalipas na linggo.
Sa Quezon City, nadiskubre ng mga operatiba ng kawanihan ang nasa 57,000 ako ng mga imported sugar mula sa bansang Thailand.
Partikular na tinukoy ng BOC ang bodega ng La Perla Sugar Export Corp. sa kahabaan ng Sgt. Rivera St. kung saan tumambad ang hindi bababa sa P285-milyong halaga ng mga imported sugar.
Bitbit ang Letter of Authority (LOA) na nilagdaan ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, pinasok ng mga operatiba mula sa hanay ng Enforcement and Security Service – Quick Response Team ng Manila International Container Port at Armed Forces of the Philippines ang naturang establisimyento sa hangarin puntiryahin ang mga “hoarders” na itinuturong nasa likod ng anila’y “artificial sugar shortage” sa merkado.
Gayunpaman, nilinaw ng BOC na wala naman nakitang irregularidad sa naturang operasyon. Hindi rin umano nila kinumpiska ang inabutang kalakal sa nasabing bodega.
Sa Bukidnon, 466,142 naman ang tumambad sa isang bodega maraang pasukin ng mga operatiba mula sa hanay ng BOC-Port of Cagayan de Oro, AFP, Philippine National Police (PNP) at Sugar Regulatory Administration (SRA).
Sa datos ng BOC, partikular na sinadya ng mga operatiba ang bodegang pinaglalagakan ng imported sugar na inaangkat ng Crystal Sugar Company Inc. sa North Poblacion, Maramag, Bukidnon.
Ayon kay Javier Sagarbarria, Vice President of Crystal Sugar Company ang 66% ng asukal ay pagmamay-ari ng planters at traders. Katunayan aniya, ang milling company ay nakakagawa ng halos tatlong milyong sako ng asukal kada taon. Ito rin aniya ang tumutulong sa mga planter associations sa lalawigan.
Kabilang rin sa “pinasyalan” ng BOC ang BUSCO Sugar Milling Corporation sa Barangay Butong, Quezon, Bukidnon.
Ayon kay BUSCO Officer-In-Charge Ellen Villa Flora, ang warehouse ay naglalaman ng 110,674 sako ng asukal.
Una ng sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na may basbas ng Pangulo ang agresibong inspeksyon sa mga bodegang imbakan ng mga kalakal na inaangkat mula sa ibang bansa.
“The government crackdown against hoarders and profiteers is part of the campaign of the Marcos government to bring down the price of sugar,” ayon pa kay Angeles
Samantala, nakipagpulong na rin kamakailan si Executive Secretary Victor Rodriguez sa mga may-ari at corporate executives ng Robinsons Supermarket, SM Supermarket, at Puregold na pawang nangakong susuportahan ang adyenda ng administrasyong Marcos laban sa mga mapagsamantalang negosyante.
Pangako pa ng tatlong dambuhalang kumpanya na pilit ibababa ang presyo ng asukal sa mga sangay ng kani-kanilang establisimyento.
