(BERNARD TAGUINOD)
MAKAKAMIT ng bansa ang layuning food security ngayong tinapos na ni President at Department of Agriculture (DA) Secretary Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang kakapusan sa pondo ng nasabing ahensya.
“You can say that this is the beginning of the end of a funding drought. To beat hunger, a country should not starve its farming sector of funds,” ani Deputy Speaker Ralph Recto.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos madagdagan ng 44% ang pondo ng DA sa ilalim ng 2023 national budget kaya makakakuha ang ahensya ng P102.15 billion mula sa kasalukuyang P71 billion.
Sa nasabing halaga, P62 billion ang magiging subsidy ng National Food Authority, Sugar Regulatory Administration (SRA), National Irrigation Administration (NIA), Philippine Rice Research Institute (PRRI), Philippine Fisheries Development Authority (PFDA), National Tobacco Administration (NTA) Philippine Coconut Authority (PCA) at National Dairy Authority (NDA) mula sa P46.2 billion lamang ngayong 2022.
Binigyan din ni Marcos ng P12 billion ang National Food Authority (NFA) sa 2023 na mas mataas ng 71% kumpara sa P7 billion ngayong 2022 kaya inaasahan aniya na 15 araw na ang buffer stock ng nasabing ahensya mula sa 9 araw lamang.
Tumaas din sa P90.2 billion ang Office of the Secretary (OSEC) mula sa P61 billion ngayon 2022 at sa nasabing halaga P30.5 bilyon ang inilaan sa National Rice Program mula sa P15.8 billion lamang.
Kabilang sa gagastusan ng nasabing programa ang fertilizer support na pinaglaanan ng P19.5 billion na ayon kay Recto ay mahalaga para makamit ang food security.
Naniniwala ang mambabatas na sa pamamagitan ng pondong ito at seryosong programa ni Marcos Jr., sa nasabing sektor, ay makakawala na ang Pilipinas sa isang global study na naglalarawan dito bilang pinaka-insecure sa East at Southeast Asia at ika-146 sa 171 bansa sa mundo pagdating sa pagkain.
