NANINIWALA si Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na posibleng may “malalaking taong” pinoprotektahan ang mag-asawang Curlee at Sarah Discaya matapos tanggihan ang panawagan ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) na maglabas ng lahat ng impormasyon kaugnay sa mga maanomalyang proyekto ng gobyerno.
Sa panayam nitong Miyerkoles, Oktubre 15, sinabi ni Remulla na halatang nagpipigil ang mag-asawa sa pagsisiwalat ng buong katotohanan.
“They were not in a tell-all mood… They wanted to spare a lot of people and just choose what they wanted to say,” pahayag ni Remulla.
Ayon sa Ombudsman, tumanggi rin umano ang mag-asawa na isiwalat ang detalye ng kanilang partnership sa Davao-based construction firm na CLTG Builders, na konektado sa pamilya ni Senator Bong Go.
Bagama’t nagbigay daw sila ng impormasyon laban kay dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, kulang pa rin umano iyon para tuluyang maunawaan ang lawak ng korapsyon.
“Pinipili lang nila kung ano ang gusto nilang sabihin — pati sa mga kongresista at senador, ayaw nilang ibunyag lahat,” dagdag pa ni Remulla.
Binalaan din niya ang mag-asawang Discaya na hindi na sila makaiiwas sa kasong kriminal. Ang tanging paraan na lang umano para gumaan ang kanilang sitwasyon ay magpasok ng plea bargain at ibalik ang perang nakuha mula sa mga proyekto ng gobyerno.
Apela sa WPP Applicants
Samantala, nanawagan si Prosecutor General Richard Anthony Fadullon sa mga aplikante ng Witness Protection Program (WPP) na may kaugnayan sa flood control scam na magsabi ng buong katotohanan o huwag nang magsalita.
“Kung magtatago kayo ng impormasyon, mawawala ang kredibilidad ninyo. Mas mabuting manahimik kaysa magsinungaling,” babala ni Fadullon.
Idinagdag pa niya na boluntaryo ang paglahok sa WPP.
“Hindi po kami ang tumawag sa kanila. Sila po ang lumapit sa amin,” aniya.
(JOCELYN DOMENDEN)
