MGA GURO NAKALAYA NA BA SA KAAPIHAN?

 PUNA Joel Amongo

TAUN-TAON na lang ay ipinagdiriwang natin ang Hunyo 12 bilang ‘Araw ng Kalayaan’ ng ating bansa mula sa mga dayuhang nanakop sa atin.

Batay sa kasaysayan, idineklara ang pagiging malaya ng Inang Bayan (Pilipinas) noong Hunyo 12, 1898, 125 taon na ang nakalilipas mula noon.

Pinamunuan na ng ating mga kababayan mismo mula noon ang ating bansa, subalit marami pa rin ang hindi nakalalaya sa kaapihan.

Tulad na lamang ng nararanasan na kaapihan ng mga guro na lagi silang nagagamit ng mga politiko sa tuwing eleksyon.

Maging ang kanilang allowances sa tuwing nagkakaroon ng eleksyon ay hindi agad nila napakikinabangan dahil laging naaantala ang pag-release nito.

Ngayon, may panibago na naman silang nararanasan na kaapihan mula pa mismo sa gobyerno, kung saan laging ipinagdiriwang ang ‘Araw ng Kalayaan.’

Batay sa natanggap nating impormasyon, muling nakaranas ng kaapihan ang public school teachers nang bigyan sila ng bulok na bigas mula sa pamahalaan sa pamamagitan ng National Food Authority (NFA) kamakailan.

Ang nasabing bigas ay bahagi ng one-time rice allowance ng mga empleyado ng gobyerno noong nakaraang Disyembre na ngayon lamang panahon natanggap ng mga guro ang para sa kanila.

Kabilang sa mga lugar na nakatanggap ng mga bulok na bigas na kahit hayop ay hindi raw makakain, ay ang public school teachers mula Nueva Ecija, Mindoro, Bacolod, at Zamboanga del Norte.

Samantala, ang iba pang rehiyon ay hindi pa nakatatanggap nito.

Nagtataka lang tayo, bakit bigas pa ang ipinamigay para sa rice allowance na dapat ay cash na lamang at bahala na silang bumili ng kanilang gustong bigas.

Para namang wala tayong karanasan sa mga ganitong kalakaran na tuwing bilyong piso ang pinag-uusapan sa proyekto ay nangangati ang mga kamay ng mga tiwaling tao kung papaano nila mamaniobrahan ang pondo.

Ang usaping ito ay pinaiimbestigahan na raw ng Makabayan bloc sa Kamara, sana lang ay mabigyan ng parusa ang nasa likod nito.

Hindi kaya sinadya na kaya hindi nila agad ipinamigay ang mga bigas noong nakaraang Disyembre ay para mas mababa ang kanilang bili at mas malaki ang kanilang maibubulsa?

Karma is real, magaling maghanap ito ng address kung sino ang nang-aapi sa kapwa.

Ang rice allowance ng mga empleyado ng gobyerno noong nakaraang Disyembre ay bahagi ng Administrative Order No. 2s. 2022 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Layunin nito na bigyan ng tig-25 kilos ng bigas ang 1.83 milyong empleyado ng gobyerno. Ginastusan ito ng gobyerno ng P1.183 bilyon.

Sabi tuloy ng mga kongresista mula sa Makabayan bloc, nakahanap lang ang National Food Authority (NFA) ng kanilang pagtatapunan ng bigas, grabe kayo! Anong tingin nyo sa mga guro… hayop?!

Muling nananariwa tuloy sa akin ang mga sinalanta ng Super Typhoon Yolanda sa Region 8 na imbes na mapakinabangan nila ang tone-tonelang pagkaing donasyon mula sa iba’t ibang bansa, ay nabulok lang sa mga pinag-iimbakan nito.

oOo

Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell#0977-751-1840.

167

Related posts

Leave a Comment