(BERNARD TAGUINOD)
DAPAT nang palitan ng mga doktor at dalubhasa ang mga heneral na itinalaga ng pamahalaan para mangasiwa sa laban kontra COVID-19.
Ito ay dahil mistulang nasayang umano ang isang taong sakripisyo ng sambayanang Pilipino sa lockdown sa COVID-19 dahil imbes bumuti ay lumala pa ang sitwasyon sa pagdami ng kaso.
Ito ang opinyon ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate kaugnay ng unang taong anibersaryo ng Luzon-wide lockdown sa Pilipinas, bukas, Marso 17.
“Isang taong anibersaryo na ng quarantine laban sa pandemya ng covid, isang taon ng kapalpakan at militaristang pagsugpo sa pandemya pero wala pa ring mass testing, pro-active and aggressive contact tracing, mabagal pa rin ang vaccination at kulang o wala pa ring natatanggap na ayuda,” ani Zarate.
Dahil dito, hindi aniya nakapagtataka kung dumami ang kaso ng COVID-19 imbes na bumaba ito kaya muling nalalagay sa mas matinding panganib ang kinabukasan ng mamamayan.
Nitong mga nakaraang araw ay halos 5,000 ang naitatalang bagong kaso ng COVID-19 araw-araw kaya muling napupuno ang mga ospital at kung hindi umano huhupa ang sitwasyon ay posibleng umabot pa ng 8,000 ang kasong maitatala bago matapos ang buwang ito.
“Kaya parang nasayang lang ang sakripisyo ng mamamayan sa lockdown. Parang di natuto sa isang taong nagdaan. Dapat ay palitan na ang mga heneral at mga palpak sa IATF at palitan ng mga doktor at eksperto,” ani Zarate kung nais ng gobyerno na maresolba ang problema.
Samantala, nagkasa naman ng imbestigasyon si Kabayan party-list Rep. Ron Salo sa pabago-bagong health protocols ng Inter-Agency Task Force (IATF) lalo na sa overseas Filipino workers (OFWs) at nagbabalikbayang Pilipino.
Sa kanyang House Resolution (HR) 1650, sinabi ni Salo na mistulang ang IATF ang nagiging dahilan ng kalituhan sa health protocols lalo na sa OFWs na bumabalik sa bansa.
“The frequently changing testing and quarantine protocols for all persons allowed entry to the Philippines has caused confusion and stress to returning Filipinos, especially to OFWs who are returning for emergency reasons, such as terminal illness or death of a family member,” ani Salo.
Magugunita na noong December 22, 2020 ay inilabas ng IAFT ang Resolution No. 90 na mandatory ang 14-day quarantine ng mga OFW at iba pang Pilipino na nagbabalik-bansa subalit noong Enero 26, 2021 ay binago ito at kailangang muling i-swab test ang mga ito pagkatapos ng 5 araw at kapag negatibo sa virus ay puwede na silang pauwiin.
GAMITIN NA
Samantala, kailangang gamitin na ng gobyerno ang itinabing supply para sa second dose ng COVID-19 vaccines sa mga unang naturukan upang makapagbakuna na ng isang milyong Pilipino.
Ginawa ni Iloilo Rep. Janette Garin ang nasabing apela kina Pangulong Rodrigo Duterte at Health Secretary Francisco Duque III sa gitna ng dumaraming kaso ng COVID-19 sa bansa.
Magugunita na halos isang milyong bakuna ang donasyon ng China at World Health Organization (WHO) sa bansa kung saan kalahati nito ay agad gagamitin habang ang natitirang kalahati ay itinago muna para sa second dose pagkatapos ng isang buwan.
“The incoming vaccines can cover the second dose. Each day of protection is a big step towards being ahead of the virus,” ani Garin.
PRIORITY LIST
Bukod dito, umapela rin ang mambabatas sa gobyerno na isama sa priority list ng babakunahan ang pamilya ng milyong overseas Filipino workers (OFWs).
“We are seeing them as susceptibles and a factor in curtailing the spread of COVID-19,” ani Garin lalo na’t ang unang P.1 variant o Brazil variant ay nadiskubre sa isang OFW na galing sa Brazil.
Base sa mga report, mas mabilis ang pagkalat ng Brazil variant kesa sa ordinaryong COVID-19 na labis na ikinababahala ng mga otoridad lalo na’t wala pang sapat na bakuna sa bansa ngayon.
IATF ‘NINGAS-KUGON’
Ikinabahala naman ni Senador Nancy Binay na hindi na sinusunod ang minimum health protocols sa pampublikong lugar kahit ng mga opisyal ng pamahalaan kaya maaaring pumalo sa 8,000 kada araw ang kaso ng COVID-19 sa pagtatapos ng buwan ng Marso sa Metro Manila pa lamang.
Sa pahayag, sinabi ni Binay na kahit pambansang lider ay nagpapakita ng ugaling “ningas-cogon” at nakalimutan na makatotohanan at nakamamatay ang banta ng corona virus 2019.
“What’s ironic is that after a year since the lockdown, naririto pa rin tayo… hindi umuusad. Parang walang nagbago—same problems, same issues, same recommendations (hard lockdown, curfew, liquor ban, etc). ‘Yung pagda-downplay ng DOH sa pagtaas ng mga kaso at ang recommendation ng IATF na i-open na ang turismo, buksan na ang mga resort, sinehan, etc. actually create an impression na balik na tayo sa normal—which is not the case. Nalulusaw ang mensahe na dapat maging vigilant pa rin tayo dahil mas lalong lumalakas ang covid. Walang mangyayari sa atin kung kakapitan natin ang mantra na ‘OK na dahil meron nang bakuna’. It’s the perception that ‘everything is OK’ is what makes it not-OK,” giit niya.
Tinukoy pa ni Binay na maling signal ang ipinararating ng pambansang lider sa publiko tuwing makikita sila sa telebisyon na binabalewala ang paglobo ng bilang ng COVID-19 cases at nagbibigay ng kasiguruhan na unti-unting magiging normal ang lahat dahil andito na ang bakuna. (May dagdag na ulat si ESTONG REYES)
154 