Mga ‘inagrabyado’ ng network ‘di ipinagtanggol ABS-CBN STARS DEDMA SA MGA NASIBAK

KUNG ngayon ay masyadong maingay ang mga artista ng ABS-CBN matapos hindi aprubahan ng Kongreso ang kanilang franchise renewal application na naging dahilan ng pagkawala ng kanilang trabaho, dedma naman umano ang mga ito sa kalagayan ng mga empleyadong tinanggal noong 2010.

Ito ang himutok ng dating empleyado ng ABS-CBN na si Juornalie Payonan na kabilang sa tinanggal ng pamunuan ng network noong 2010 matapos maghain ng kaso ng nasabi ring taon dahil sa umano’y unfair labor practice ng network.

“Kahit noong 2010, walang artista o senador na maingay nung panahon na ‘yun,” ani Payonan na kasama sa zoom conversation nina Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, Deputy Speaker Rodante Marcoleta at Cavite Rep. Jesus Crispin “Boying” Remulla hinggil sa usapin sa ABS-CBN.

Panahon din umano ng Pasko noong 2010 nang magsasagawa ang grupo ni Payonan ng kilos protesta sa harapan ng ABS-CBN subalit walang pumansin na artista at mga senador sa kanilang ipinaglalabang karapatan.

Kabilang si Payonan sa mga tumestigo sa joint hearing ng House committee on legislative franchises at committee on good government sa prangkisa ng ABS-CBN na kalaunan ay hindi inaprubahan dahil sa mga paglabag sa batas.

Ginawa ni Payonan ang pahayag sa gitna ng pag-iingay ng mga artista dahil nawalan umano ng trabaho ang mga empleyado ng ABS-CBN nang hindi aprubahan ng Kongreso ang kanilang franchise renewal application.

Kabilang sa mga nag-iingay nang husto ang mga artistang sina Angel Locsin, Nadine Lustre, Kim Chiu at iba pa kung saan nakikisimpatya ang mga ito sa mga empleyado ng network na mawawalan na ng trabaho simula sa susunod na buwan.

Isa ang unfair labor practice ng ABS-CBN sa mga nakalkal ng dalawang nabanggit na komite kung saan natuklasan na maraming empleyado ng network tulad ni Payonan na nagtrabaho ng mahigit 10 hanggang 20 taon subalit hindi naregular. (BERNARD TAGUINOD)

140

Related posts

Leave a Comment